Vaccine Operation Center ng Batangas Province, mga Miyembrong Ahensya Tinukoy na ng IATF

Pagpangalan sa Kaybiang Tunnel Bilang Apacible Tunnel, Isinulong ni BM Rosales
February 19, 2021
Outstanding Bantay Dagat Groups, Pinarangalan sa BRAVO Awards
February 20, 2021

February 19, 2021

Sinimulan na ng Batangas Inter–Agency Task Force Against COVID-19 na tukuyin ang mga kumite na bubuo sa Batangas COVID-19 Vaccination Operations Center, na mangangasiwa sa administrasyon at implementasyon sa Lalawigan ng Batangas ng isasagawang National Immunization Program laban sa COVID -19.

Sa magkakasunod na pulong ng Batangas IATF noong ika-15 at 16 ng Pebrero 2021, na pinangunahan nina Batangas Governor DoDo Mandanas at Provincial Health Office (PHO) chief, Dra. Rosvilinda Ozaeta, ipinaalam na sa mga kaagapay na ahensya ng Kapitolyo ang kani-kanilang cluster committee, na may kani-kaniyang responsibilidad sa vaccine roll-out sa lalawigan na inasahan sa ikalawang kwarter ng taong 2021.

Pangunguhan ito ng Batangas Provincial Health Office na tatayo bilang operations center chairperson, at Department of the Interior and Local Government (DILG) bilang co-chairperson.

Samantala, kabilang sa mga komite ang Planning, Campaign Management and Technical Team, na naatasang magpalabas ng impormasyon at mahahalagang paalala sa publiko tungkol sa pagpapabakuna; magsagawa ng capacity building para sa vaccination managers, stakeholders and implemetors; at, mag-analisa at mag-aral ng mga datos na nakalap na isusumite naman sa mga regional Vaccination Operations Centers.

Ang Finance, Cold Chain and Logistics Team naman ang tutugon sa maayos na paghahatid at pag-iimbak ng mga bakuna; sisiguro sa sapat na supply na gagamitin sa vaccination roll out; sisiguro sa maayos na paghahatid ng mga bakuna at mga kinaukulang kagamitan hanggang sa mga lokal na pamayanan; at pagsasaayos ng imbentaryo ng supply at kaukulang badyet ng programa.

Ang Coordinating Team ang gaganap na punong tagapag-ugnay ng mga kinauukulan mula sa mga panlalawigan hanggang sa lokal na pamahalaan at mga barangay para sa mga kinakailangang tulong at pagsagot sa mga isyung maaaring lumabas sa oras ng kampanya.

Ang Vaccine Safety, Surveillance and Response Team ang gaganap bilang tagapagpaganap ng mga case investigation and data analysis. Samantalang ang Communications, Advocacy and Partnership Team ang mamamahala sa pagpapaabot ng tamang impormasyon at regulasyon sa pamayanan, katuwang ang mga lokal na pamunuan, mga lider ng socio-civic organizations, at mga volunteers ng lalawigan.

Kabilang sa mga ahensyang katuwang ng Batangas IATF sa pagpapaganap sa programa ay ang Department of Health, Batangas Provincial Department of Health Office, Department of the Interior And Local Government, Armed Forces of the Philippines, Philippine National Police, Philippine Coast Guard, Department of Transportation, Bureau of Immigration, Bureau of Quarantine, Philippine Red Cross, Commission on Higher Education, Department of Education, Philippine Economic Zone Authority, Philippine Ports Authority at mga private medical associations sa bawat bayan at lungsod.

Sa pamamagitan ng mga nasabing kumite, inaasahan na mas magagampanan ng mga miyembro ang kanilang tungkulin daan para sa epektibo at maayos na pagbibigay ng bakuna sa mga sa general identified population sa lalawigan, particular ang mga sektor na kabilang sa A1 or high priority groups na kinabibilangan ng mga frontliners.

Edwin V. Zabarte – Batangas Capitol PIO

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry
5

Comments are closed.