Tulong Taal: Tanauan, Agoncillo at Lemery Beneficiaries Tumanggap ng Cash Assistance

Epekto ng Pagputok ng Bulkang Taal sa Turismo sa Batangas, Tinalakay
February 25, 2020
Kampanya Laban sa ASF, mas Pinaigting pa sa Batangas Province
March 3, 2020

February 27, 2020

Kayang-kaya, kung sama-sama. Bumisita ang Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, sa pangunguna ni Gov. DoDo Mandanas, sa Lungsod ng Tanauan at mga Bayan ng Agoncillo at Lemery kaugnay ng Shelter Assistance, Cash for Work, Aide to Barangays, at Honorarium Distribution noong ika-24 at 26 ng Pebrero 2020. Batangas Capitol PIO

Sa magkakahiwalay na pamamahagi ng tulong pinansiyal, mahigit anim na libong mga taga-Tanauan, limang libong mga taga-Agoncillo at dalawang libo na mga taga-Lemery ang nakatanggap ng Shelter Assistance mula sa Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas noong ika-24 at 26 ng Pebrero 2020.

Kabilang ang naging pag-ikot ng mga kinatawan ng Kapitolyo, sa pangunguna ni Gov. DoDo Mandanas, sa serye ng Shelter Assistance, Cash for Work, Aide to Barangays, at Honorarium

Distribution, na nagsimula noong ika-18 ng Pebrero, at nauna nang nakaikot sa mga Bayan ng San Nicolas, Taal, Laurel at Talisay.

Sa kanyang mensahe, laging binibigyang-diin ni Gov. Mandanas na ang nangyaring pagputok ng Bulkang Taal ay paggising sa mga Batangueño upang lalo pang bilisan ang pagkilos patungo sa mas maunlad na buhay.

“Kapag tayong mga Batangueño ay sama-sama, kayang-kaya,” dagdag pa ng gobernador, na nagpasalamat sa lahat ng mga tulong at suportang natatanggap ng lalawigan mula sa iba’t ibang ahensya at organisasyon.

Paunang tulong sa mga nasiraan ng bahay

Paliwanag ni Gov. Mandanas na ang ₱3,000 na ibinibigay sa mga nasiraan ng bahay ay paunang tulong ng pamahalaang panlalawigan.

Ito ay dahil ang pamahalaang nasyunal ay nakatakdang magbigay din ng ayuda sa mga nabiktima ng nasabing kalamidad, kabilang ang financial support mula sa Department of Social Welfare and Development at ang ipinangakong rehabilitation program ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ipinagbibigay-alam din ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO), bilang tugon sa mga puna sa social media, na ang halagang ₱3,000 na shelter assistance para sa mahigit labing-anim na libong benepisyaryo ay nasa ₱48.4 Milyon na ang kabuuan.

Gusto mang makapagbigay ng mas malaking tulong, ayon sa PSWDO, limitado lamang ang pondo ng pamahalaang panlalawigan, na kinakailangan ding iprograma sa iba pang mga proyekto at aktidibidad na nakatuon sa serbisyo publiko.

Ayon din sa nabanggit na tanggapan, ang pagkakasunod ng mga bayang binibigyan ng tulong ay batay sa kung aling bayan ang naunang nagpasa ng mga official list ng mga benepisyaryo. Ang mga nasa talaan ay ang mga nakipag-ugnayan sa kanilang barangay, Municipal Social Welfare and Development Office, at Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office.

Ayuda sa Tanauan, Agoncillo at Lemery

Sa Bayan ng Agoncillo, na pinakanapinsala sa naganap na pagsabog ng bulkan, nagkakahalaga ng ₱ 17,519,000 ang kabuuang naibigay na ayuda ng pamahalaang panlalawigan, kabilang ang ₱ 200,000 para sa pamahalaang bayan, ₱ 420,000 na barangay aid, at ₱ 16,520,000, bilang panimulang tulong para sa mga pamilyanga nasiraan ng bahay at cash for work para sa mga barangays officials at volunteers.

Umabot naman sa higit ₱ 10 Milyon ang naipaabot na cash assistance sa mga taga-Lemery, sa pagtitipong ginanap sa St. Mary’s Educational Institute, kasama ang ₱ 10,270,000 na tulong para sa mga nasiraan ng bahay at cash for work para sa
mga barangays officials at volunteers.

Ang mga Tanaueños ay nakatanggap ng cash na may kabuuang halaga na mahigit ₱ 24 Milyon, na binbuo ng ₱ 23,374,000 na tulong para sa mga nasiraan ng bahay at cash for work para sa mga barangays officials at volunteers.

Ibinahaging muli ni Provincial Administrator Levi Dimaunahan ang binabalangkas na permanenteng resettlement area, para sa mga nakatira sa permanent danger zone, na ipagagawa sa lupang pag-aari ng pamahalaang panlalawigan sa Brgy. Imelda sa Bayan ng San Juan at ang mga maaaring maging pagkakakitaan dito.

Nakiisa sa pagtitipon ang mga lokal na opisyal ng mga nasabing bayan, sa pangunguna nina Tanauan City Mayor Mary Angeline Halili, Agoncillo Mayor Daniel Reyes, Lemery Vice Mayor Geraldine Ornales, mga miyembro ng Sangguniang Panlungsod at Bayan, at mga department heads ng Kapitolyo.

Vince Altar- Batangas Capitol PIO

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry

Comments are closed.