Tulong sa Batangueñong Mag-aaral, Guro at mga Biktima ni Bagyong Rolly, Ibinahagi ng Ayala Foundation

Proyektong “Hakbang Ikaw, Magiting”, Sinimulan
November 5, 2020
Batangas Capitol Scholarship Grants para sa SY 2020-21, Ipinamamahagi Na
November 10, 2020

November 9, 2020

“Ito ang partnership na walang iwanan. Hangga’t may maitutulong, andito kami at handang maglingkod sa abot ng aming makakaya.”

Ito ang binigyang-diin ni Ginoong Ruel Maranan, ang presidente ng Ayala Foundation, Inc., sa ginanap na Virtual Turnover of Brigada ng Ayala Donations to the Provincial Government of Batangas and Relief Operations for Typhoon Rolly Victims na ginanap noong ika – 5 ng Nobyembre 2020.

Pormal na ibinigay ng Ayala Group of Companies, sa pamamagitan ng Ayala Foundation, ang mga tulong para sa mga mag-aaral at guro sa lalawigan, bukod sa mga ayuda para sa mga naapektuhan ng bagyo, sa mga kinatawan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, sa pangunguna ni Gov. DoDo Mandanas, at Department of Education – Batangas Province.

Tinuran ni Ginoong Maranan, na ang pamilya ay tubong Mabini, Batangas, na hangad ng Ayala Foundation na makatulong sa mga Batangueñong guro at mag-aaral na magawang ang New Normal ay maging “better normal.”

Ipinaalala rin niya, na sa panahong ito na maraming pagsubok ang pinagdaanan at hinaharap, mas kinakailangan na ang lahat ay maging magiting sa isip, salita at gawa.

Handog ng nasabing foundation ang Ayala Edu-Care packs, na kinapapalooban ng hygiene kits, school supplies, posters tungkol sa COVID-19 measures and proper hygiene, face masks, face shield, alcohol, bar soaps, at ang Manila Water Foundation’s children’s storybook “May Tubig na sina Tinay” na nagtuturo tungkol sa water access, sanitation at hygiene (WASH) practices.

Nagpapatayo rin sila ng mga handwashing facilities sa mga eskuwelahan.

Ang Brigada ng Ayala ay isang programang nakatakdang magpaabot ng tulong sa nasa 300,000 public schools at 150,000 na mga mag-aaral sa buong Pilipinas. Sa Batangas Province, nasa 78 na mga pampublikong mga paaralan sa 9 na mga bayan, na naapektuhan ng Taal Volcano eruption noong Enero, o 10,000 na mga mag-aaral at mahigit 100 na mga guro ang target na maalalayan ng Ayala, dagdag ni Maranan.

Sa kanyang mensahe, ipinaabot ni Gov. DoDo Mandanas sa mga kinatawan ng Ayala Foundation na kinikilala ng pamahalaang panlalawigan ang tuloy-tuloy na pagtulong nila sa mga Batangueño.

Sabi pa ng gobernador ng Batangas na higit sa mga tulong na materyal, nagpapasalamat siya sa nasabing pribadong kompanya sa kanilang pagbibigay ng lakas ng loob, inspirasyon at pag-asa sa mga kababayang nasalanta ng mga nagdaang kalamidad.

Nagsisilbi rin aniya ang mga taga-Ayala Foundation na halimbawa para sa lahat ng mga naglilingkod sa pamahalaan sa matapat at wagas na pagsasabuhay ng “sense of commitment.”

Inulit din niyang “bawal mapagod” ang mga lingkod bayan sa pamahalaan dahil marami ang nangangailangan, at tumulad sa mga taga-Ayala na kaagapay ng mga komunidad at magiting na gumaganap sa mga tungkuling makatulong sa kapwa.

Nakiisa sa hybrid assembly ang mga opisyal ng pamahalaang panlalawigan, Ayala Foundation, at DepEd Batangas Province.

Vince Altar / Photos: Macc Ocampo – Batangas Capitol PIO

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry

Comments are closed.