Total ban ng entry ng live hogs at pork sa Batangas, ipinatupad

Pagdiriwang ng 41st NDPR Week sa Bayan ng Bauan, Tagumpay
August 22, 2019
Sigaw sa Lung Month Celebration: “END TB, Now Na!”
August 27, 2019

August 22, 2019

African Swine Fever, itinuring na national threat

Mahigpit nang ipinagbabawal ang live hogs entry o pagpapasok ng buhay na hayop at iba pang produktong baboy sa Lalawigan ng Batangas, matapos ang idinaos na emergency meeting ng Batangas Provincial Veterinary Office (PVO) na dinaluhan ng mga beterinaryo, industry stakeholders, at mga kinatawan ng Local Government Units (LGUs), noong ika-20 ng Agosto 2019 sa Session Hall ng Sangguniang Panlalawigan ng Batangas.

Ito ay matapos magkaroon ng mga hinihinalang kaso ng African Swine Fever (ASF) sa bansa, na bagamat hindi pa nakukumpirma, ay lubos nang pinag-iingat ang publiko at pinaaalalahanang sundin ang mga pinatutupad na “precautionary measures” ng pamahalaan, lalo’t higit sa kadahilanang ang Batangas, gaya ng Bulacan, ay itinuturing na top producer sa Php250 bilyong livestock industry ng bansa.

Dahil dito, iminungkahi ni 4th District Board Member Jess De Veyra, Chairperson ng Committe on Agriculture, katuwang ang ehekutibo sa pamamagitan ni Provincial Veterinarian Dr. Rommel Marasigan, na tuluyan nang ipatupad ang total ban ng mga produktong baboy, matapos maitala ang tumataas na bilang ng pagkamatay ng mga alagang baboy sa bansa na siyang iniulat ng Bureau of Animal Industry sa Department of Agrarian Reform (DAR).

Ayon kay De Veyra, bagaman at wala pang namomonitor na kaso ng ASF sa lalawigan ay inaasahan ang pakikipagtulungan ng local hograisers sa pamahalaang lokal, at agarang ipagbigay-alam kung may sintomas o insidente ng ASF sa mga alagang baboy.

Dahil sa mungkahi at masusing pag-aaral ng sitwasyon, pinagtibay at mahigpit na ipinag-utos ang total ban ng pagpasok ng anumang produktong baboy sa pamamagitan ng inisyung Memorandum Circular No. 1 Series of 2019 o “Temporary ban on entry of live pigs, pork products and temporary prohibition of swill feeding in the Province of Batangas”, na inaprubahan ni Gov. DoDo Mandanas alinsunod sa pag-eendorso ng PVO, epektibo mula August 19.

Dagdag pa nito, magpapatupad ng malawakang checkpoints at farm inspection and disinfection measures sa iba’t ibang lugar sa lalawigan. Kasabay nito ay hinihinakayat naman ang LGUs na magsagawa ng information drive sa mga munisipalidad, nang sa gayon ay maging edukado ang mga industry stakeholders patungkol sa ASF.

Itinuturing na national threat ang ASF, na wala mang direktang epekto sa kalusugan ng tao, ay madali namang makaapekto at lumaganap sa mga farm at maaring makapagdulot ng negatibong epekto sa industriya kung hindi maaagapan.

Ang nasabing ban ay mananatili hanggang sa iulat ng DAR na ligtas na ang buong bansa mula sa banta ng ASF.

Marinela Jade Maneja—Batangas PIO Capitol

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry

Comments are closed.