Teleconsultation, Contingency Planning sa Pagtatapos ng ECQ, Tinalakay sa IATF Batangas Province Meetings

Supply ng Karne mula Batangas, Tiniyak Kahit may ECQ
April 18, 2020
Provincial Ordinance Kontra Diskriminasyon Laban sa mga Frontliners sa Batangas, Pasado Na
April 20, 2020

April 20, 2020

Hinihikayat ng Department of Health ang mga duktor sa Lalawigan ng Batangas na magsagawa ng teleconsultation o online medical consultation, at ipinabatid sa Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas ang paggamit ng pondo mula sa pamahalaang nasyunal, sa pamamagitan ng Department of Budget and Management Local Budget Circular No. 126, para sa mga programa at proyekto na may kaugnayan sa COVID-19.

Binabalangkas na rin ang isang contingency plan kapag ang kasalukuyang Enhanced Community Quarantine (ECQ) ay natapos na.

Ilan ito sa mga rekomendasyong pinagtibay sa serye ng mga pagpupulong ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Disease (IATF-EID) ng Batangas Province noong nakaraang linggo.
Sa mga pagpupulong na isinagawa sa Provincial Health Office, tinalakay din ng lupon, sa pangunguna ni Dr. Gerald Alday, IATF-EID Incident Commander ng Batangas, na ang lahat ng mga Local Government Units (LGUs) ng lalawigan ay kinakailangang may iisa o uniform color-coding policy sa Quarantine Passes. Kabilang dito ang Pink – Sunday, Orange – Monday, Yellow – Tuesday, Green – Wednesday, Blue – Thursday, Red – Friday, at Saturday – Violet.

Iminungkahi rin na upang maiwasan ang pagdami ng mga tao sa public market ng Lipa City, maglagay ng mobile market sa driving range ng Fernando Air Base. Para naman mapigil ang pagkakaroon ng mahahabang pila sa mga botika, maaaring magpatupad ng sistema ang mga barangay upang may mga kinatawan na bibili ng mga maintenance na gamot ng mga residente.

Ipinababatid din ng IATF-EID sa mga ahensya ng pamahalaan na, sang-ayon sa DOH Department Circular No. 2020-0160, dated March 31, 2020, ipinagbabawal ang paggamit ng public funds para sa pagbili ng anumang COVID-19 rapid antibody-based test kits. Kaugnay naman nito, inirekomenda ng IATF-EID sa mga private hospitals na may kakayanan na magkaroon ng FDA-approved test kits bilang bahagi ng kanilang gamit para malaman kung ang isang pasyente ay isang PUI o non-COVID-19 case.

Tuloy-tuloy na rin ang mga isinasagawang physical preparations sa mga isolation/quarantine facilities sa lalawigan, kabilang ang sertipikasyon ng mga ito mula sa DOH, accreditation mula sa Philippine Health Insurance Corporation at ang pagkuha ng Human Resources for Health.

Batangas Capitol PIO

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry

Comments are closed.