Tapat na Batangueño na nagsauli ng mahigit sa kalahating milyon, binigyang parangal ng Kapitolyo

Batangueño Artists, kinilala sa Kapitolyo
July 16, 2019
Medical and Dental Mission sa Prov’l. Jail, isinagawa ng PHO
July 19, 2019

July 17, 2019

Binigyang pagkilala ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, sa pangunguna ni Governor Dodo Mandanas, si Jaymart Manlimid, tubong Barangay Palindan, Ibaan, na nagsauli ng kaniyang napulot na bag na may lamang mahigit sa ₱500,000.00.

Kasama sina Vice Governor Mark Leviste at mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan, iginawad ang parangal sa dalawampu’t tatlong taong gulang na empleyado ng STAR Tollway Corporation sa Provincial Auditorium, Capitol Compound, Batangas City noong ika-17 ng Hulyo 2019.

Sa panayam sa B’yaheng Kapitolyo, ang official Radio Program ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, ibinahagi ni Manlimid na ang napulot niyang bag kamakailan sa Malvar Toll Gate ay aksidenteng nahulog sa minamanehong sasakyan ng dalawang Overseas Filipino Workers.

Nang maisauli ang bag, nalaman ni Jaymart na ang perang nilalaman nito ay gagamitin umano para sa kasal ng dalawang OFW.

Dagdag pa niya, noong nakita niya ang bag na naglalaman ng malaking halaga, hindi siya nagdalawang-isip na ibigay sa mga awtoridad ang naiwang bag. Sa kabila ng tukso ng nasabing pera at pansariling pangangailangan, pinili ni Manlimid, na panganay sa tatlong magkakapatid, na gawin kung ano ang tama at wasto.

Bilang pagtanaw ng utang na loob at pasasalamat, inalok daw siya ng pabuya ng mga nasabing OFW, ngunit hindi niya ito tinanggap.

Ito ang ikalawang pagkakataon na nagsauli si Jaymart ng napulot na pera, at kaniyang binigyang diin, na kung sakaling mauulit ito, ay hindi siya mag-aatubiling ipagbigay-alam at ibalik ito sa mga kinauukulan. – Mark Jonathan M. Macaraig, Batangas Capitol PIO

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry

Comments are closed.