State of Calamity, Idineklara sa Batangas Province dahil sa sa Taal Volcano Eruption

Notice of Vacant Position
January 8, 2020
Evacuation Centers
January 17, 2020

January 13, 2020

Higit 16 libo na ang nailikas

Batay sa huling datos ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), as of 11AM ng ika-13 ng Enero 2020, on-going ang ginagawang total evacuation sa mga nasa loob ng 14-kilometer radius na layo mula sa Bulkang Taal, na umabot na sa halos 3 libong pamilyang apektado mahigit 16 na libong indibidwal.

Kaugnay nito, isinailalim na ang buong Lalawigan ng Batangas sa State of Calamity.

Kasalukuyang nasa Alert Level 4 ang bulkan, na nangangahulugan na patuloy ang paglindol at inaasahan ang mas matindi pang eruptive activity sa Main Crater nito, na nagdudulot ng ashfall sa Batangas Province, mga kalapit na lalawigan at malaking bahagi ng Luzon.

Nakahanda ang pamahalaan na umalalay

Sa isang media briefing na isinagawa sa Provincial DREAM Zone sa Kapitolyo sa Lungsod ng Batangas, binigyang-diin ni Gov. DoDo Mandanas na nakahanda at patuloy na kumikilos ang Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, katulong ang iba’t ibang ahensiya ng pamahalaang nasyunal, para matulungan ang mga kababayang kasalukuyang naaapektuhan ng pagsabog ng Bulkang Taal.

Ibinahagi ng mga opisyal ng pamahalaang panlalawigan ang kahandaan at mga isinasagawang hakbang, sang-ayon sa isang Contingency Plan na masusing binalangkas upang makapagbigay ng tugon sa iba’t ibang sitwasyong kaugnay ng pagputok ng Taal Volcano.

“Nais kong ibahagi sa lahat ng mga Batangueño na kumikilos ang pamahalaan para matulungan ang lahat ng apektado at maiwasan ang anumang casualties,” saad ng gobernador.

“Nakahanda at dumarating na rin ang mga tulong mula sa ibang mga lalawigan at ahensya ng goberyno.”

Samantala, idineklara nang nasa ilalim ng State of Calamity ang buong lalawigan, matapos ang isang special session ng Sangguniang Panlalawigan, na pinangunahan ni Vice Gov. Mark Leviste, ngayong ika-13 ng Enero.

Zero casualty sa mga nasa Volcano Island

Ang mga apektadong mamamayan na naninirahan sa Taal Vocano Island ay nailikas lahat.

Ayon kay Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) Chief Joselito Castro, walang naging casualty sa mga nakatira sa mismong isla ng bulkan. Ang pinakamatinding naapektuhan ay ang mga Bayan ng Talisay, Laurel, Agoncillo, at San Nicolas.

Ibinahagi rin ng mga opisyal ng lalawigan na isang long-term plan ang isinasaayos upang tuluyan nang ipagbawal ang paninirahan sa volcano island, na itinuturing na permanent danger zone ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).

Handa sa mga disaster scenarios

Nakahanda naman at nananatiling nakaalerto ang pamahalaang panlalawigan, katuwang ang iba’t-ibang ahensya ng gobyerno sa posibleng worst case scenario sa harap ng patuloy na pag-alburuto ng Bulkang Taal.

Naka-deploy na sa lakeshore municipalities ang mga sea ambulance, trucks at iba pang emergency vehicles ng Batangas PDRRMO, Armed Forces of the Philippines (AFP) at iba pang ahensya.

Nakahanda na rin ang mga relief goods ng Provincial Social Welfare and Development Office, samantalang parating na ang 20 libong piraso ng mga N95 masks mula sa Department of Health para ipamahagi sa mga apektadong indibidwal.

Batangas Capitol PIO – VIA Jonathan Macaraig

Click here to download the resolution

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry
1

Comments are closed.