Solid Waste Management Monitoring sa Lalawigan, Patuloy na Isinasagawa

Ayuda para sa Community Development Projects ng Ilang Barangay, Ipinamahagi sa Kapitolyo
May 15, 2021
Montemaria Shrine, Nakatakdang Gawing COVID-19 Isolation Facility
May 16, 2021

May 16, 2021

Nakapagsagawa na ng solid waste management (SWM) monitoring ang Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas sa apat na lungsod at tatlumpong bayan sa lalawigan, sa pamamagitan ng Provincial Government Environment and Natural Resources Office (PGENRO), para sa taong 2021.

Sa kabila ng pandemya, binibisita ng PGENRO ang mga local government units (LGUs) ng Batangas upang makita kung wasto ang pamamaraan ng pamamahala sa basura, kaalinsabay ng pagbibigay ng tamang kaalaman sa wastong paggamit ng likas-yaman, pagmungkahi ng mga programang nakatuon sa pakikiisa ng bawat mamamayan upang mabawasan ang basurang agad lamang tinatapon, at pagpapaliwanag sa benepisyo ng pagkakaroon ng pasilidad sa bawat lugar na maaring pag-imbakan ng balik-materyales o lugar para i-proseso ang mga ito.

Isinasagawa ang monitoring dalawang beses sa isang taon upang matiyak na sumusunod ang mga LGUs sa alituntunin, alinsunod sa Republic Act 9003 o “Ecological Solid Waste Management Act of 2000.”

Pinagtutuunan dito ang pagkakaroon ng aprubadong Solid Waste Management Plan, segregation at source, segregated collection, materials recovery facility at pagkakaroon ng tamang tapunan ng basura o disposal facility.

Kaugnay nito, inaalam din kung gaano karami ang nalilikhang basura, mga gawain para mabawasan ang basura, mga programang ipinatutupad para sa mga nabubulok na basura at iba’t-ibang pamamaraan ng pagreresiklo sa mga kalakal at plastik, at iba pa.

Batay sa mga nakukuhang datos, ang PGENRO ay nagbibigay ng mga mungkahi o rekomendasyon upang mas maging maayos ang pamamahala sa basura at tumutulong sa mga programang kinakailangang ipatupad ng mga lungsod at bayan.

Samantala, ang mga lungsod at bayan na nakikitaan ng mahuhusay na programa sa pamamahala sa basura ay kinikilala at inaanyayahang maglahad tuwing may pagpupulong ang Provincial Solid Waste Management (SWM) Board para maging halimbawa at inspirasyon sa ibang mga bayan.

Bagaman at ang pagpapatupad ng RA 9003 ay pangunahing nakasalalay sa mga lungsod at bayan sa pamamagitan ng City/Municipal SWM Board katulong ang Barangay SWM Committee, ang pamahalaang panlalawigan ay patuloy at palagiang nakaagapay sa pagsasaayos ng kabuuang programa sa wastong pamamahala ng basura para sa isang masagana, maayos at malinis na kapaligiran sa buong lalawigan.

Batangas PIO

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry
4

Comments are closed.