Lubos na minamalaki at pinapasalamatan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas ang mga sandugong bayani.
Ito ang ipinarating ni Gov. DoDo Mandanas sa mga binigyan ng pagkilala sa Sandugo Awards 2020 na ginanap sa kauna-unahang pagkakataon online noong ika-5 ng Oktubre 2020, sa pamamagitan ng Facebook account ng Batangas Provincial Information Office.
Ang taunang pagbibigay pugay at pasasalamat na ito ay inihahatid ng pamahalaang panlalawigan at ng Batangas Provincial Blood Council sa mga nagbibigay ng dugo at mga active partners ng konseho sa Voluntary Blood Service Program na patuloy na nag-oorganisa ng blood donations sa buong lalawigan.
Sa pamamagitan ng kanilang pagkilos, natutugunan ang pangangailangan ng lalawigan na magkaroon ng sapat at ligtas na dugo para sa mga nangangailangang Batangueño.
Ang mga bayan at lungsod na nagawaran ng awards ay nakaabot sa itinakdang target na 1% ng nakoletang dugo, base sa kanilang kabuuang populasyon sa taunan nilang accomplishment.
Sa 31 bayan sa Lalawigan ng Batangas, nanguna ang Bayan ng Calatagan na nagkaroon ng blood donors na 187% ng target, at sinundan ng mga Bayan ng Alitagtag (160%), Cuenca (154%), Taysan (123.1%), San Jose (123%), at Calaca (105%).
Sa 4 na lungsod naman, pinakamataas ang bilang ng mga donors mula sa Batangas City na umabot sa 328% ng target, na sinundan ng mga Lungsod ng Lipa (236%), Sto, Tomas (163%) at Tanauan (120%).
Pinasalamatan naman ni Provincial Health Officer, Dr. Rosvilinda Ozaeta, ang mga miyembro ng panlalawigang Blood Council na binubuo ng local government units, national agencies sa lalawigan, private companies, at mga unibersidad at paaralan.
Ibinahagi rin ni Dr. Josephine Gutierrez, Medical Coordinator ng Batangas Blood Council, na, sa kabila ng pandemya, tuloy-tuloy pa rin ang boluntaryong blood donation na nagpapakita ng pagiging tunay na magiting ng mga Batangueño.
Vince Altar – Batangas Capitol PIO