Quality Health Care para sa mga Mahihirap na Batangueño, mas Palalawigin ng Pamahalaang Panlalawigan

Notice of Vacant Positions
February 26, 2021
46 Batangueño PWDs Nabigyan ng Assistive Devices
February 27, 2021

February 26, 2021

“Ang talagang gusto ng ating provincial government (of Batangas) ay tulungan ang ating mga kababayan na walang pambayad sa pagpapagamot sa ating mga ospital and still in our objective na ang quality health care should be available to all, which means yung mga mahihirap who cannot pay, we pay for them.”

Ito ang isa sa mga binigyang-diin ni Gov. Dodo Mandanas sa hybrid meeting ng Batangas Provincial Inter-Agency Task Force Against COVID-19 (IATF) na ginanap noong February 22, 2021. Pahayag ng gobernador, “may budget tayo para sa gamot, may budget para sa equipment, may budget para sa pagpapagawa ng mga bagong ospital, ang kailangan lang talaga natin gawin ay ang magiting na pagpapaganap.”

Kabilang sa isinaad na layunin ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, katuwang ang Local Health Board, ang makapagbigay ng Quality Health Care para sa mga Batangueño, partikular ang pagbibigay ng libreng gamutan sa mga mahihirap at pagbibigay ng libreng gamot.

Hangad ng pamunuan ng Kapitolyo na maibalik ang kumpiyansa at tiwala ng mga mamamayan sa government hospitals kung kaya at patuloy na isinasagawa ang pagdadagdag ng mga makabagong mga hospital equipments, pagpapagawa ng mga ospital, at pagkuha at pagpapasuweldo sa mga espesyalistang duktor na magbibigay serbisyo sa mga government hospitals.

Tinalakay sa pagpupulong na mas pinipili pa rin ng karamihan ang magpagamot sa mga pribadong ospital, kahit libre sa mga ospital ng pamahalaan, dahil mas tiwala ang mga tao na magpagamot sa pribadong pagamutan.

Bilang pagtugon sa nasabing suliranin, iminungkahi ng gobernador na kumuha ng mga medical specialists at consultants na ang pamahalaang panlalawigan ang magpapasuweldo. Binanggit din nitong para maging mas madaling kumuha ng mga espesyalistang duktor ay ang Kapitolyo na ang direktang magbabayad sa mga ito sa halip na maghintay pa sa bayad na magmumula sa Philhealth.

Walang ding kuwenta aniya ang libreng pagpapagamot kung malaki pa rin ang gastos sa pagbili ng gamot at kulang ang mga medical equipment sa mga pampamahalaang ospital. Kaya sinabi ni Gov. Mandanas na palalawigin pa ang pagbili ng gamot na maipapamahagi ng libre sa mahihirap na mga kababayan. Bukod ito sa paglalagay ng mga kagamitan at makinarya upang mas maraming serbisyo ang maisasagawa na mismo sa mga provincial hospitals.

Napag-usapan din ang paglulunsad ng pamahalaang panlalawigan ng Provincial Health Card para sa mga mahihirap na Batangueño, mga frontliners at persons with disabilities. Ang provincial health cards ay nauna nang naipamahagi para magamit ng mga barangay volunteer workers.

Paliwanag ni Ms. Joy Montalbo, Provincial Social Welfare and Development Office department head, sa pamamagitan ng health card, ang mga gastusin na lampas na sa mga maaaring bayaran ng Philhealth para sa mga mahihirap ay ang provincial government na ang sasalo. Kung zero balance naman na ang billing ng isang card holder, makakatanggap pa rin sila ng assistance mula sa government ospital. Ang kailangan na lamang ay ang wastong koordinasyon at pagpaparehistro ng mga pasyente sa mga social worker sa mga district hospital.

Binigyang-linaw naman ni Gov. Mandanas na ang nasabing health card ay magagamit lamang sa mga provincial at district hospitals sa lalawigan, at sa Batangas Medical Center sa Lungsod ng Batangas.

Francis Carlo L. Japor – Batangas Capitol PIO

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry

Comments are closed.