Provincial Hospitals sa Lemery at Balayan, Pansamantalang Naka-lockdown dahil sa Nagpositibo sa COVID-19

Scholarship sa Lalawigan ng Batangas, Tuloy-tuloy
June 16, 2020
Batangas PDRRMO, Handa na sa Tag-ulan
June 17, 2020

June 17, 2020

Humingi ng pang-unawa sa publiko si Provincial Health Officer, Dr. Rosvilinda Ozaeta, sa pansamantalang pagsasara ng Batangas Provincial Hospital (BPH) sa Bayan ng Lemery simula ika-16 ng Hunyo 2020, matapos magpositibo ang isang doktor at nars sa nasabing hospital.

Dagdag ni Dr. Ozaeta, muling bubuksan ang nasabing ospital matapos ang isinasagawang sanitation at disinfection upang matiyak na ligtas na itong muli sa mga kawani at pasyente.

Lahat naman ng mga empleyado ng BPH na sumailalim sa swab test ay nag-negatibo, maliban sa nabanggit na doktor at nars. Ang dalawang government health workers, na sinasabing nahawa sa isang pasyente na positive sa COVID-19, ay asymptomatic at kasalukuyang sumasailalim sa Home Quarantine.

Kaagad din isinagawa ang contact tracing sa mga taong nakasalamuha ng dalawa.

Sa tagubilin ni Governor DoDo Mandanas, masusing minomonitor at bibigyan ng kaukulang suportang medikal ang mga nasabing empeyado ng ospital.

Kinumpirma ni Dr. Ozaeta na wala nang naka-admit na pasyente sa BPH mula Hunyo 16. Ang mga pasyente ay pinauwi na, kasabay ng pakikipag-ugnayan sa kanilang mga bayan at barangay upang mabantayan ang mga ito sa 14-day quarantine sa kanilang mga bahay.

Ibinahagi rin ni Dr. Ozaeta na may naging pasyente sa Don Manuel Memorial District Hospital sa Bayan ng Balayan, na sumailalim sa swab test noong Hunyo 14, namatay nang sumunod na araw, at lumabas na COVID-19 positive noong Hunyo 16.

Agad na sumailalim sa swab test ang lahat ng medical workers at empleyado ng nasabing ospital at isinagawa dito ang paglilinis at disinfection.

Kaugnay nito, mariing nanawagan si Dr. Ozaeta, bilang kinatawan ni Gov. DoDo Mandanas at ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, na huwag hayaang magkaroon ng diskriminasyon kontra sa mga health frontliners, na nagtatrabaho para sa kapakanan at kaligtasan ng publiko. Sinabi rin ng hepe ng Provincial Health Office na kinakailangang sumunod ang lahat sa mga itinakdang alituntuning pangkalusugan kontra sa umiiral na pandemya.

F.C.J. and V.I.A. – BATANGAS CAPITOL PIO / Photo: Municipality of Lemery

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry
8

Comments are closed.