Pinakamataas na Lebel ng Sulfur Dioxide Emission sa Bulkang Taal, Naitala Ngayong Araw – PHIVOLCS

443 Displaced Workers sa Lalawigan ng Batangas, Nabigyan ng Tulong sa Ilalim ng TUPAD Program
July 4, 2021
Request for Quotation – SUPPLY AND INSTALLATION OF TWO (2) LOT 500 KVA SILENT TYPE DIESEL GENERATOR SET FOR USE IN THE ACTIVATION OF THE PROVINCIAL EVACUATION CENTER AND OF THE PDRRMC OPERATION
July 6, 2021

July 4, 2021

Paghahatid ng Tulong ng lalawigan, Tuloy-tuloy na Isinasagawa

JULY 04, 2021 – Umabot na sa 22,628 tonelada ng Volcanic Sulfur Dioxide o SO2 gas emission kada araw ang ibinuga ng Bulkang Taal, na, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ay ang pinakamataas na antas na naitala.

Ito ay batay sa inilabas na abiso ng naturang ahensya ngayong araw, ika-4 ng Hulyo 2021, ganap na 4:15 ng hapon.
Bukod dito, simula kaninang alas-dose ng madaling araw, may kabuuang dalawampu’t anim (26) na malalakas at mababaw na low-frequency volcanic earthquakes ang iniugnay sa magmatic degassing na naitala sa may ilalim ng silangang bahagi ng Volcano Island.

Ayon pa sa PHIVOLCS, ang ilan sa mga naitalang lindol ay may kasamang pag-ugong at bahagyang naramdaman ng mga fish cage caretakers sa hilagang-silangang baybayin ng isla.

Nagbabala naman ang ahensya na ang mga observation parameters na ito ay maaaring magdulot ng kahalintulad na pagputok noong ika-1 ng Hulyo, anumang oras, kung saan matatandaan na nagkaroon ng aktibidad ang bulkan na kung tawagin ay phreatomagmatic eruption.

Muling pinaalalahanan ng DOST-PHIVOLCS ang publiko na nakataas pa rin ang Alert Level 3 sa Bulkang Taal at ang kasalukuyang SO2 na parametro nito ay indikasyon ng patuloy na magmatic extrusion sa Main Crater na maaaring maghudyat sa mga susunod na pagsabog.

Mariing nirerekomenda ng PHIVOLCS at panawagan na rin ng Batangas Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) sa mga residenteng nakatira malapit sa bulkan – mga high-risk barangays ng Bilibinwang at Banyaga sa bayan ng Agoncillo, at Boso-boso, Gulod, at silangang bahagi ng Bugaan East sa bayan ng Laurel – na lumikas na at manatili na lamang muna sa mga evacuation center.

Kaugnay ito sa posibleng panganib na maaaring idulot ng pyroclastic density currents at volcanic tsunami higit lalo na kung sakaling maganap ang biglaang malakas na pagsabog.

Dagdag pa sa paaala sa publiko na mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok sa Taal Volcano Island o TVI, na kinikilala bilang Permanent Danger Zone, at sa mga nabanggit na high-risk barangays sa mga bayan ng Agoncillo at Laurel, gayundin ang pagbabawal sa pamamalagi at paglaot sa lawa ng Taal.

Ang mga komunidad naman sa paligid-libot ng Taal lake ay inaabisuhan na maging handa sa posibilidad ng airborne ash at volcanic smog o vog. Mainam rin na maghanda sa paglikas sakaling lumakas pa ang pabago-bagong aktibidad ng bulkan.

Samantala, tuloy-tuloy naman ang ginagawang maagap na pag-agapay ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, sa pangunguna ni Governor DoDo Mandanas, sa mga pamilya at indibidwal na naapektuhan ng bagong banta ng Bulkang Taal.

Simula nang muling pumutok ang bulkan, walang-patid na ang pamamahagi ng mga tulong gaya ng mga pagkain, hygiene kits, family tents, at beddings. Nakahanda na rin umarangkada bukas, July 5, 2021, ang Mobile Kitchen ng lalawigan na pangangasiwaan ng Provincial Social Welfare and Development Office.

Masusi ring tinututukan ni Governor Mandanas, sa tulong ng kaniyang tanggapan at ng PDRRMO, ang kahandaan ng lalawigan sa posible pang epekto sa nagbabadyang pagsabog ng bulkan.

Nananatiling nakahanda ang mga transportation assets ng lalawigan tulad na lamang ng mga sasakyang, noong July 1 pa lamang, ay agaran nang ipinadala sa mga apektadong lugar.

Pinasasalamatan naman ni Governor DoDo Mandanas ang ilan nang nagbigay ng tulong at nagpaabot ng mga donasyon sa lalawigan na nagmula sa Pamahalaang Nasyunal at sa iba’t-ibang pampubliko at pribadong mga organisasyon, samahan, at kompanya.

Mark Jonathan M. Macaraig – Batangas Capitol PIO

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry

Comments are closed.