People’s champ Manny Pacquiao, “adopted son” ng Lalawigan ng Batangas

Paglalagay ng street lights sa mga pedestrian crossing sa Batangas Province, naipasa na
August 28, 2019
Batangueño Taekwondo champs, pinaralangan sa Kapitolyo
August 28, 2019

August 28, 2019

Pormal na kinilala at idineklara bilang “adopted son” ng Lalawigan ng Batangas si Senator Emmanuel “Manny” Dapidran Pacquiao dahil sa natatanging kontribusyon nito sa linya ng imprastraktura, masigasig na pagsusulong ng mga makabuluhang proyekto, at nagsisilbing magandang ehemplo sa bawat isang Batangueño.

Ang simpleng seremonya ay naganap noong ika-27 ng Agosto 2019 sa Provincial Auditorium, Capitol Compound, Batangas City at pinangunahan ni Governor DoDo Mandanas, kasama ang mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan at ilang mga opisyal ng pamahalaan.

Ang pagiging “adopted son” ni Sen. Pacquiao ay napagkasunduan ng mga miyembro ng Sanguniang Panlalawigan, sa bisa ng Resolution No. 081, Year 2019, na may titulong “Declaring Senator Emmanuel “Manny” Dapidran Pacquiao as adopted son of the Province of Batangas,” at naaprubahan noong ika-13 ng Agosto 2019. Ang naturang resolusyon ay ipinanukala ni 6th District Board Member Bibong Mendoza, bilang pangunahing may-akda.

Bukod sa Provincial Resolution, pinagkalooban din ito ng Plaque of Declaration, at Balisong at Barong Tagalog, na pawang gawang Taal, Batangas at kumakatawan, ayon sa gobernador, sa giting at tapang ng isang Batangueño.

Sa naging talumpati ni Sen. Pacquiao, ipinahayag niya na lubos siyang nagagalak at nagpasalamat sa mainit na pagsalubong ng mga Batangueño, at pagtanggap sa kanyan bilang isa na ngayong anak ng probinsya.

Tinalakay din niya na ang pakikipag-ugnayan sa iba’t-ibang ahensya o pagkakaroon ng creative cooperation ay nagresulta aniya sa scholarships para sa mga kabataan, at pagpapatayo ng mga multi-purpose buildings, kalsada at tulay sa lalawigan.

Ngayong siya ay maiituring nang isang ganap na Batangueño, pinaplano ng Pambansang Kamao na maisakatuparan ang housing project o pabahay na ilalaan niya para sa mga kapus-palad o higit na nangangailangan. Dagdag pa niya, bilang isang legislator at Chairperson ng Senate Committee on Public Works, sisiguraduhin niya na mapabibilis, mapabubuti, at maisasaayos ang delivery of projects sa probinsya.

Sa huling bahagi ng mensahe ni Sen. Pacquiao, nangako ito na bukas ang kaniyang tanggapan sa anumang mungkahi o kahilingan, at maglilingkod sa abot ng kaniyang makakaya para mapagsilbihan ang mga kababayang Batangueño.

Samantala, ipinagbigay-alam naman ni Governor Mandanas na si Senator Manny Pacquiao ang napiling gumanap bilang General Miguel Malvar sa nakatakdang pagsasapelikula ng buhay ng bayaning heneral.

Mark Jonathan M. Macaraig – Batangas Capitol PIO

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry

Comments are closed.