Pasilidad ng PDDRMO bukas sa mga LGUs na apektado ng Mandatory Evacuation

Evacuation Centers
January 17, 2020
Mobile hospitals para sa Taal Volcano evacuees binuksan ng DOH sa Sto. Tomas, Balayan
January 18, 2020

January 18, 2020

Batangas City- Inatasan ni Batangas Governor DoDo Mandanas ang Batangas Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) na ipagbigay-alam sa mga Local Chief Executives ng mga bayan, na nasa loob ng 14 Km. Danger Zone Radius ng Taal Volcano at kung saan kasalukuyang ipinatutupad ang mandatory evacuation order, na maari nilang gamitin bilang Coordination Center ang mga pasilidad ng PDRRMO Disaster Operation Center sa Provincial Sports Complex sa Barangay Bolbok, Batangas city.

Sa isang opisyal na komunikasyon na inilabas ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas noong ika-18 ng Enero, inimbitahan ni Governor Mandanas ang mga mayor ng mga Bayan ng Agoncilio, Alitagtag, Balete, Cuenca, Laurel, Lemery, Malvar, Mataas na Kahoy, San Nicolas, Sta. Teresita, Taal, Talisay at Lungsod ng Tanauan at Lipa at ang mga katuwang ng mga ito sa kanilang disaster operations, na maaari silang magtayo dito ng mga pansamantalang tanggapan na tumutugon sa relief operations sa kanilang mga lokal na pamahalaan.

Ang hakbang na ito ay isinagawa upang masiguro na hindi maantala at mabilis na matugunan ng mga LGUs ang pangunahing pangangailangan at distribusyon ng mga relief goods sa mga pamilya at indibidwal na kasalukyang lumikas at nasa mga evacuation centers.

Mahigpit din pinaaalalahanan ang mga ito na dinggin at mahigpit na ipatupad ang ipinalabas na memorandum ng Department of the Interior and Local Government (DILG) noong ika-13 ng Enero, na nagtatakda ng mandatory evacuation sa lahat ng mga barangay sa mga nasabing munisipalidad at lungsod na nanganganib na tamaan ballistic projectiles, base surges at volcanic tsunami na maaring maganap sa oras na magkaroon ng major eruption ang Taal Volcano.

Sa pinakahuling bulletin ng Phivolcs, nananatili pa rin sa Alert Level 4 ang Taal Volcano. /end

Edwin V. Zabarte/Batangas PIO

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry

Comments are closed.