Panatang Makabata, binigkas sa Kapitolyo bilang pakikiisa sa National Children’s Month Celebration

Sen. JV, Naging Bisita sa Educational Assistance Distribution
October 30, 2018
4th Quarter 2018 Nationwide Simultaneous Earthquake Drill, Isinagawa sa Lobo, Batangas
November 6, 2018

November 05, 2018

Isulong: Tamang Pag-aaruga Para sa Lahat ng Bata. Nanumpa ng Panatang Makabata ang mga kawani ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas sa pangunguna ni Ms. Gemma H. Quitain ng Provincial Social Welfare and Development Office kasama ang ilang mga piling mag-aaral ng OB Montessori, bilang pakikiisa sa kick off activity ng National Children’s Month Celebration noong ika-5 ng Nobyembre 2018 na ginanap sa Provincial Auditorium, Capitol Compound, Batangas City. ✎ Mark Jonathan Macaraig/Photo by: Jhay Jhay Pascua – Batangas Capitol PIO

Sama-samang nanumpa ang mga kawani ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas ng Panatang Makabata noong ika – 5 ng Nobyembre 2018 sa Lingguhang Pagpupugay sa Bandila ng Pilipinas sa Provincial Auditorium, Capitol Compound, Batangas City.

Sa gabay ng temang “Isulong: Tamang Pag-aaruga Para sa Lahat ng Bata”, ang sabayang pagbikas ng panata ay pinangunahan ni Ms. Gemma H. Quitain ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) kasama ang ilang mga piling mag-aaral ng OB Montessori. Ito ang nagsilbing kick off activity bilang pakikiisa ng lalawigan sa pagdiriwang ng National Children’s Month ngayong buwan ng Nobyembre.

Ang Panatang Makabata ay nagsusulong upang maprotektahan, igalang at pangalagaan ang karapatan ng bawat bata, anuman ang kulay, kasarian, lahi, relihiyon, kultura, estado sa buhay, may kapansanan man ito o wala. Nakasaad din sa panata ang mga karapatan na dapat matamasa ng mga bata upang matiyak ang kanilang kasiyahan, ilan dito ay ang maisilang at magkaroon ng pangalan at nasyonalidad, magkaroon ng tahanan at pamilyang nag-aaruga nang tama at maproteksiyonan laban sa pang-aabuso, panganib at karahasan.

Ang naturang panunumpa ay isinagawa kaugnay ng Announcement No. 51 of 2018 mula sa Civil Service Commission na humihimok sa lahat ng tanggapan ng gobyerno na bigkasin ang Panatang Makabata tuwing flag raising ceremony sa buong buwan ng Nobyembre.

Ang anunsyo ay alinsunod sa Republic Act 10661 na nagtakda sa buwan ng Nobyembre kada taon bilang National Children’s Month, kung saan ginugunita ang pagpasa at pagpapatupad ng Convention on the Rights of the Child ng United Nations General Assembly at naglalayong maitanim ang kahalagahan ng karapatan ng mga kabataan sa kamalayan ng mga Pilipino.

Samantala, bilang bahagi ng pagdiriwang, magsasagawa ang PSWDO ng On-site validation para sa Search for Child-Friendly Barangay. Nakatakda ring ganapin ang ilang mga programa gaya ng Children Singing Contest at Draw and Tell competition na nakatakdang idaos sa culminating activity ng lalawigan para sa National Children’s Month Celebration sa ika-28 ng Nobyembre sa Provincial Auditorium. – Mark Jonathan Macaraig, Batangas Capitol PIO

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry
1

Comments are closed.