Pagtatayo ng mga Interim Resettlement Areas para sa mga apektado ng Taal Volcano, iniatas na ni Gov. Mandanas

Paglilikas sa mga hayop sa palibot ng Bulkang Taal tinututukan
January 19, 2020
Malinis na Inumin, Hatid ng Army Reservists
January 21, 2020

January 20, 2020

Isa sa proposed models para sa pinagpaplanuhang Interim Resettlement Areas sa lupang pag-aari ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas sa Brgy. Aguila, San Jose, Batangas para sa mga apektado ng Taal Volcano. Photo/Design: Batangas PEO / Batangas Capitol PIO

Batangas City- Binigyang direktiba ni Governor DoDo Mandanas ang mga opisyal ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, partikular ang mga kasapi sa relief and rehabilitation efforts at economic and finance committee, na simulan na ang pagtatayo ng mga interim resettlement sites sa mga lupa na pag-aari ng pamahalaan sa lalawigan.

Ang pag-aatas ay naganap sa isang serye ng papupulong, na naganap noong ika- 19 Enero 2020 sa DREAM Zone, Capitol Compound, Lungsod ng Batangas, kung saan inilahad ang nasabing plano sa mga department heads ng Kapitolyo. Kaharap din sa nasabing assembly ang mga kasapi ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council, na kinatawan ng mga local chief executives ng mga bayan sa lalawigan at mga partner agencies na may kinalaman sa disaster operations.

Ayon kay Governor Mandanas, sisimulan na sa lalong madaling panahon ang pagtatayo ng mga halfway houses sa mga lupain ng pamahalaan sa mga Bayan ng San Jose, Nasugbu, San Juan, at Rosario upang mabawasan na ang bilang ng mga evacuees na nasa mga paaralan at iba pang evacuation centers.

Kabilang sa plano ang paggamit ng itinayong Batangas Provincial Rehabilitation Center sa Bayan ng Ibaan na tatayong interim at halfway house, ganun din ang pagtatayo nito sa iba pang malalaking lupain ng pamahalaan sa Barangay Aguila, San Jose; Barangays Butucan, Latag at Bilaran sa Nasugbu; Brgy. Bulsa at Imelda sa San Juan; at, Brgy. Matamis, Calantas at Nasi sa Rosario.

Inatasan din niya ang mga kinauukulan ng pakikipag-ugnayan at pakikipagtulungan sa Department of Public Works and Highways at Armed Forces of the Philippines kaugnay ng utilisasyon ng resources at assets para sa nasabing rehabilitation efforts ng lalawigan.

Ayon sa gobernador, ang mga interim settlement areas, na pagtatayuan ng 2-storey halfway houses, na gawa sa pre-fabricated materials, ay patatayuan ng road networks o maayos na kalsada, drainage system, centralized kitchen, health and hygiene facilities, electric power and communication facilities, school facilities at play ground para sa mga bata.

Tinukoy din ni Gov. Mandanas ang Provincial Cooperative, Livelihood and Enterprise Development Office (PCLEDO) na siyang mangasiwa ng programang pangkabuhayan ng evacuees.

Ayon sa gobernador, patuloy na magbibigay tulong ang pamahalaang panlalawigan, pero mas mahalaga umano na ang mga settlers sa mga itatayong lugar ay magkaroon ng kakahayahang makatayo sa sariling mga

paa, at magkaroon ng kakayahan na maisaayos ang kanilang mga lugar, daan upang makapagtayo ang mga ito ng mga bagong pamayanan at hindi na kinakailangang bumalik pa sa mga lugar na nawasak ng pagsabog ng Bulkang Taal. / Edwin V. Zabarte- Batangas Capitol- PIO.

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry
2

Comments are closed.