Pagpapatayo ng Local College ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, Tinalakay sa PDC Meeting

Notice of Award – Purchase of 20,095 boxes Ascorbic acid 500mg +Zinc capsule, 100’s for distribution to Frontline Service Providers province wide
February 5, 2021
Cavite-Tagaytay-Batangas Expressway Project, Ipinrisinta sa PDC Meeting
February 6, 2021

February 6, 2021

Buong suporta ang ibinigay ng mga miyembro ng Batangas Provincial Development Council (PDC) sa paghahain ng plano ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas na makapagpatayo ng sariling lokal na pamantasan, na tutugon sa pagpapalawig ng programang pang-edukasyon at upang mas maraming mag-aaral pa ang makinabang sa Universal Access to Quality Tertiary Education Act of 2017 o Republic Act 10931, na naglalayong magbigay ng dekalidad at libreng edukasyon sa kolehiyo.

Sa isinagawang virtual general assembly meeting ng PDC noong ika-21 ng Enero, na pinangunahan ni Governor DoDo Mandanas, na siya ring PDC chairperson, idinetalye ni Ginang Merlita Pasatiempo, Executive Assistant at In-Charge sa Education Programs ng pamahalaang panlalawigan, ang kasalukuyang estado sa nasabing plano ng Kapitolyo na maisakatuparan ang pagtatatag ng isang Local College.

“By the virtue of Republic Act 10931, tayo [Provincial Government] po ay allowed na mag-establish ng tertiary level education. This is in support to the call of the needs of deserving students and to address the concerns brought about by COVID-19 sa ating mga paaralan sa lalawigan ng batangas,” paliwanag ni Pasatiempo.

Kakailanganin dito ng akreditasyon ng Commission on Higher Education (CHED), kabilang ang pagtatayuan ng paaralan na may kompletong pasilidad at manpower compliment na aayon sa school curriculum.

Ipinagbigay-alam din ni Pasatiempo na binabalangkas na ang ihahaing ordinansa at mga kaukulang dokumento para mapagtalakayan na ito ng Sangguniang Panlalawigan.

Naniniwala naman si Governor Mandanas na malaki ang maitutulong nito sapagkat higit na naapektuhan ng pandemya ang sektor ng edukasyon.

Binigyang-pansin ng gobernador na bumaba ang enrolment at hindi makapag-aral ang ilan dahil walang trabaho ang mga magulang. Ang ilang mga paaralang pampribado naman ay nagsara na, nalugi, at hindi makabayad sa mga teachers.

Nilinaw din niya na mapapalawak pa ng proyekto ang scholarship program ng Kapitolyo dahil lahat ng mga estudyante ay libre ang tuition at miscellaneous fees, na tutugunan ng pamalaang nasyunal batay sa implementasyon ng Universal Access to Quality Tertiary Education Act.

“This project has been really motivated by our desire to make our education really inclusive, sustainable, and economical,” saad ng gobernador.

Sa lalawigan, may ilan na umanong mga paaralan na kabilang sa free tuition law, tulad ng Batangas State University, Kolehiyo ng Lungsod ng Lipa, Colegio ng Lungsod ng Batangas, at Tanauan City Colleges, na maaaring magsilbing batayan sa pagsasakatuparan ng proyekto, na brainchild ni Gov. Mandanas.

Mark Jonathan M. Macaraig – Batangas Capitol PIO/Photo: PDC Zoom Meeting and UniFAST

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry
1

Comments are closed.