Pagpapalakas ng Turismo, Planong Pangkabuhayan Isinusulong ng Kapitolyo Pagkatapos ng Pagputok ng Bulkang Taal

15% Diskuwento sa Amilyar para sa Batangas Lakeshore Towns, Ipinasa na ng Sangguniang Panlalawigan
February 11, 2020
Cash Donations para sa mga Naapektuhan ng Bulkang Taal, Umabot na sa Mahigit ₱39M
February 13, 2020

February 12, 2020

Iba Pang Tourist Destinations, Ibibida

Isang buwan matapos ang biglaang pagputok ng Bulkang Taal, ang Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas sa pangunguna ni Governor DoDo Mandanas ay patuloy na kumikilos para sa mabilisang aksyon, pagtugon, at pagbabalangkas ng mga konkretong planong pangrehabilitsyon na magtataguyod sa agarang pagbangon ng lalawigan.

Kaugnay nito, sa idinaos na kauna-unahang Batangas Economic Recovery Roundtable noong ika-7 ng Pebrero 2020 tinalakay ni Governor Mandanas na bukod sa mga ikinakasang livelihood programs ng kapitolyo, isa sa nakikitang magpapataas sa bahagdan ng ekonomiya ng Batangas ang pagpapalakas ng turismo.

Ayon sa gobernador, ang Batangas ay nahahati sa dalawang kategorya, batay sa kanilang pangturismong atraksyon. Ito ang lakeshore towns at cities na nakapalibot sa Taal Lake at ang Bayshore towns, na nasa harap ng Bay, Batangas Bay, at ilang bahagi ng Tayabas Bay.

Kaugnay ng pagputok ng bulkan, ang ilang bahagi ng lalawigan, kabilang ang mga Bayan ng Nasugbu, Lian, Calatagan, San Juan, Lobo, Mabini, at Lungsod ng Batangas, na pawang mga nakaharap sa Balayan Bay at Batangas Bay, ay malayo sa mga kasalukuyan banta ng Taal Volcano at ligtas para sa mga turista o mga magnanais na bumisita dito.

“We invite all of you to continue to visit and enjoy the cultural heritage of Batangas and the ‘Fun, Food, Faith Tourism’ it offers,” dagdag pa ni Governor Mandanas.

Ipinagbigay alam din ng gobernador na ang bayan ng Taal at ilang mga establisyemento ay muling nagpapatuloy na sa kanilang operations o “Business as Usual” matapos ang naging pagalburoto ng bulkan at inaasahang makakatulong sa pagpapalakas ng tourism enterprises na magbibigay daan para sa panunumbalik ng tourism supply chain.

Ibinida rin ni Governor Mandanas na bukas para sa darating na Visita Iglesia ang pamoso at dinarayong National Shrine of Padre Pio sa Sto. Tomas, Batangas at ilang mga ipinagmamalaking simbahan ng Batangas City at Lipa City. Bukod pa rito ang Montemaria Pilgrimage Site na matatagpuan sa Pagkilatan, Batangas City, kung saan gaganapin ang taunang Senakulo.

Mga Planong Pangkabuhayan

Ayon sa gobernador, patuloy ang pagbalangkas ng pamahalaan ng alternatibong pagkakakitaan, katulad ng pag-aalaga ng isda sa tubig alat mula sa pagpapalaki ng isda sa lawa.
Kaugnay nito, binanggit rin ni Gov. Mandanas na ang Marine Culture Laboratory, na pinatatakbo sa bayan ng Lemery, ay malaki ang maitutulong sa mga Taal Lake fish farmers, na maaaring mag-alaga ng lapu-lapu mula sa tilapia at inaasahang makapagbibigay din ng mataas na kita.

Ipinahayag rin na sa mga ipagagawang resettlement areas ay magkakaroon na muli ng pagkakataon ang mga nakatira sa permanent danger zone na ituloy ang mga pag-aalaga ng pinagkakakitaang baboy, baka, manok, kambing at kabayo.

Ang Taal Volcano ang nangungunang tourist attraction sa lalawigan, sang-ayon kay Gov. Mandanas. Dahil sa mga kasalukuyang banta sa pagbisita dito, maituturing aniya itong oportunidad upang mas mapansin ang iba pang naggagandahang tourist destinations sa Batangas, kagaya ng Verde Island Passage; diving spots sa Anilao, Mabini; Submarine Garden sa Lobo; at Taal Basilica.

Kasabay nito, pagtutuunan din ng pansin ang mas paglilinang at pagpapalawig ng coffee at cacao industry sa lalawigan.

Samantala, on-going na ang proyektong Ash for Cash para sa mga Taal victims, kung saan tuturuan ang mga ito kung paano gawing hollow blocks ang volcanic ash, kasabay ng pagbibigay ng mga karampatang materyales na sagot ng provincial government, na siyang bibilhin at gagamitin para sa mga infrastructure projects ng pamahalaan.

Sa katunayan ay nakatakda na ring umpisahan, sa pakikipagtulungan ng Technical Education and Skills Development Authority o TESDA ang training para sa hallow block making, rug making, at sewing. Para naman maging katuwang ng tanggapan ng Provincial Engineer’s Office sa mabilisang paghahatid ng serbisyo sa mga resettlement areas, magsasagawa rin ang TESDA ng pagsasanay sa mga trabahong may kaugnayan sa electrical at plumbing.

Sa pamamagitan nito, magkakaroon sila ng may kabuuang allowance na ₱160 kada araw at sa panahon na sila ay makapagtapos at mabigyan ng sertipiko o katibayan, ang bawat sumailalim sa pagsasanay ay maaaring magkaroon na ng kaukulang sweldo o pagkakakitaan.

Matatandaan na nakuha ng probinsya noong 2019 ang pagiging Top 3 bilang pangunahing destinasyon sa buong bansa at Top 1 naman sa buong rehiyon ng CALABARZON dahil sa mataas na bilang ng tourism data ng domestic and foreign overnight visitors.

Marinela Jade Maneja & Mark Jonathan Macaraig, Photo: Eric Arellano – Batangas PIO Capitol

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry

Comments are closed.