Pagpapahinga sa Pangingisda ng mga Look sa Lalawigan ng Batangas, Muling Ipatutupad

Housing Infrastructure Projects, Prayoridad ng Batangas Capitol
November 29, 2020
Supplemental Bid Bulletin for December 1, 2020 Bidding
November 30, 2020

November 29, 2020

Muling ipatutupad sa Lalawigan ng Batangas ang implementasyon ng Seasonal Closure o “Pagpapahinga ng mga Look ng Balayan, Talim, Nasugbu, Batangas at Tayabas” sa darating na ika-6 ng Disyembre taong 2020 hanggang ika-6 ng Pebrero taong 2021.

Ang nasabing Seasonal Closure ay isang programang ipinatutupad sa lalawigan taun-taon simula noong taong 2014. Katuwang ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, sa pamamagitan ng Provincial Government Environment and Natural Resources Office (PGENRO), ito ay isinasakatuparan kabalikat ang mga Bayan ng Bauan, Mabini, Tingloy, San Luis, Taal, Lemery, Calaca, Balayan, Calatagan, Lian, Nasugbu, San Juan, Lobo at Batangas City, na pawang nagpasa ng magkakaugnay na mga ordinansa patungkol dito.

Ang Sangguniang Panlalawigan ay nagpasa rin ng resolusyon na sumusuporta sa pagpapatupad ng Seasonal Closure sa lalawigan.

Ang Lalawigan ng Batangas ang itinuturing na kauna-unahang local government unit na nagpapatupad ng ganitong programa sa buong Pilipinas, na sinundan na rin ng iba pang mga lalawigan, partikular sa Verde Island Passage.

Buo ang suporta ng Kapitolyo ng Batangas, sa pangunguna ni Gov. DoDo Mandanas, na nasabing gawain na nagbibigay-daan sa mga isda, kagaya ng Galunggong at Matambaka, na makapangitlog at makapagparami, at mabigyan ng pagkakataong lumaki.

Hangad ng proyektong muling manumbalik ang sigla ng pangisdaan sa lalawigan, para sa kapakinabangan ng mga mangingisda at mamamayang nakatira sa tabing-dagat ng Batangas.

Kaugnay nito, ipinagbabawal ang paggamit sa pamalakaya ng Basnig, Pukutan o Pukot, Pangulong o Paipot at Fine Mesh Net o mga pinong lambat sa munisipal na katubigan ng Batangas sa loob ng dalawang buwan. Bagamat nakasaad na sa Batas Pampangisdaan o Republic Act No. 10654 na bawal ang mga nasabing pamamalakaya sa tubig munisipal, sa panahon ng Seasonal Closure ay mariin pa lalo itong babantayan.

Ang petsa ng Seasonal Closure ay natutukoy base sa resulta ng mga siyentipikong pag-aaral na isinagawa bago ang pagpapatupad nito.

Base sa inisyal na fish catch monitoring na isinagawa ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources – National Stock Assessment Program (BFAR – NSAP) para sa impact ng Seasonal Closure, lumaki ang mga nahuling isda kumpara sa nagdaang mga taon at dumami ang mga ito. Anila, makikita at mararamdaman ng husto ang resulta pagkatapos pa ng ilang taong pagpapatupad nito ng tuloy-tuloy.

Malaki rin ang bahaging ginagampanan ng mga enforcement agencies, tulad ng Philippine National Police (PNP) – Batangas Police Provincial Office, PNP Maritime Group, Philippine Coast Guard, Philippine Air Force, BFAR Regional and Provincial Offices at Bantay Dagat sa pagpapatupad ng Seasonal Closure sa pamamagitan ng pagpapatrolya, pagbabantay at paghuli sa mga lumalabag sa mga ordinansa at Batas ng Pampangisdaan.

Katulong din sa pagpapatupad ng Seasonal Closure ang iba pang tanggapan ng pamahalaang panlalawigan, tulad ng Provincial Agriculture’s Office (OPA), Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) at Provincial Information Office (PIO); Department of the Interior and Local Government; Department of Social Welfare and Development; at non-government organizations, tulad ng Malampaya Foundation, Inc. at Conservation International-Philippines, na gumagawa ng mga pag-aaral at konsultasyon at nagbibigay ng mga pangangailangang logistics para sa matagumpay at maayos na implementasyon ng programa.

Rochelle Amboya – PG-ENRO / Batangas Capitol PIO

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry
6

Comments are closed.