P5-M donation, Nakatakdang Ipagkaloob ng Lalawigan ng Batangas sa Philippine Red Cross

EXECUTIVE ORDER NO. 2HIM-19 SERIES OF 2020
October 22, 2020
Soon to Rise: Batangas Provincial Medical Center sa Bayan ng Calaca
October 24, 2020

October 24, 2020

Nakatakdang tumanggap ng ₱5 Milyon na kabuuang halaga ng donasyon ang Philippine Red Cross (PRC) mula sa Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas na inaasahang tutugon sa pagpapalawig pa ng COVID-19 testing sa probinsya.

Target na matulungan ng nasabing inisyatibo ang mga Batangueño na walang kakayahang magbayad para sa naturang swab test.

Bukod dito, ayon kay Governor DoDo Mandanas, marami na rin ang mga residente ng probinsya na nahahawa ng sakit, sanhi upang tumigil pansamantala ang mga ito sa kani-kanilang mga trabaho na nagdudulot na nang matinding epekto sa sektor ng paggawa.

“Madami rin sa mga nagkakasakit dito ay ‘yung mga nagtatrabaho sa mga industries sa Batangas at sa CALABARZON, maging sa Metro Manila dahil malapit lang ito,” paliwanag ni Governor Mandanas.

Kung kaya’t ipinunto ng punong-lalawigan na mahalaga ang pagsasagawa ng testing para sa economic recovery o tuloy-tuloy na pagbubukas at pagbangon ng ekonomiya.

Ang libreng testing ay alinsunod sa itinakdang Commision on Audit Circular at sa hangarin ni Governor Mandanas na mas matulungan pa ang mga kababayan sa pagtiyak ng kanilang estado o kalagayan ngayong panahon ng pandemya.

Binigyang-diin din ng gobernador na malaking kawalan para sa Batangas kung mahihinto ang operasyon ng COVID-19 testing ng PRC. Ang pagkakaloob aniya ng lalawigan ng naturang donasyon ay isang paraan upang maipagpatuloy ng PRC ang swab testing para sa mga indigent Batangueños.

Samantala, kinilala naman at pinahalagahan ng gobernador ang suporta ng Philippine Red Cross na nagsisilbing kabalikat ng mga Local Government Units sa panahon ng kalamidad.

“Ang Red Cross ang isa sa mga unang tumulong sa probinsya ng Batangas noong pumutok ang Bulkang Taal,” ani Governor Mandanas. “Kaya naman ganoon ang pasasalamat namin sa Red Cross at sa chairperson nitong si Senator Richard Gordon.

Ang Philippine Red Cross Batangas Chapter Molecular Laboratory, na binuksan noong ika-8 ng Hulyo 2020, ay matatagpuan sa dating Blood Center ng PRC sa Lungsod ng Batangas, na lupang donasyon ng pamahalaang panlalawigan.

Mark Jonathan M. Macaraig – Batangas PIO Capitol / Photos: Philippine Red Cross

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry

Comments are closed.