Ordinansa ng January 31 Nasugbu Landing bilang Special Public Holiday sa lalawigan, naipasa na

Pagdiriwang ng ika-438 anibersaryo ng Lalawigan ng Batangas, binuksan sa Lungsod ng Sto Tomas
December 11, 2019
₱8.2 Bilyong Pondo ng Batangas Capitol sa 2020, ilalaan sa pagpapalawig ng mga proyekto ng H.E.L.P. Program
January 6, 2020

December 11, 2019

Naipasa na sa huli at ikatlong pagbasa sa Sangguniang Panlalawigan ng Batangas ang ordinansang nagdedeklara sa ika-31 ng Enero bawat taon bilang isang Special Public Holiday sa Lalawigan ng Batangas, bilang paggunita sa Nasugbu Landing ng 11th Airborne Division ng United States Eight Army noong 1945 para mapalaya ang Batangas, at mabawi sa kamay ng mga mananakop na Hapon.

Nakasaad sa nasabing ordinansa, na isinulong ni Vice Gov. Mark Leviste, Chairperson ng Committee on Tourism and Cultural Affairs, katuwang ang tanggapan ng Provincial Tourism and Cultural Affairs Office, ang pormal na pag-iindorso sa Office of the President na gawin nang opisyal sa lalawigan ang nasabing Special Public Holiday, na ipinagdiriwang ang tagumpay ng Allied Forces upang mapalaya ang Pilipinas noong World War II.

Nauna nang lumabas ang Presidential Proclamation No. 647 s. 1970 patungkol dito, na sumasaklaw lamang sa Bayan ng Nasugbu, kaugnay ng paggunita sa ika-25 anibersaryo ng nasabing pangyayari.

Itinuturing na mahalagang kaganapan ang Nasugbu Landing sa kasaysayan, na bahagi ng Philippine Liberation Campaign ng United States Armed Forces to the Far East (USAFFE). Sakay sa lead ship USS Spencer, bumaba sa Nasugbu ang mga sundalo ng 11th Airborne Division ng US Eight Army, na bahagi ng US Navy Flotilla, sa pangunguna ni Gen. Robert Eichelberger at Rear Admiral W.M Fechteler, upang simulan ang liberasyon ng Batangas mula sa kamay ng Japanese Imperial Army.

Matapos mabawi ng US Forces ang Nasugbu at iba pang bayan sa Batangas, tumulak ang mga ito sa Tagaytay upang magsilbing blocking force kontra sa mga umaatras na sundalong Hapon mula sa Maynila. Isa rin umano ang Nasugbu Landing Forces sa mga tumugon at lumaban sa mga pinakamakasaysayang tunggalian ng World War II, ang Battle of Manila.

Marinela Jade M. Maneja, Photo: Eric Arellano – Batangas Capitol PIO

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry

Comments are closed.