Operation Timbang Plus sa Lalawigan ng Batangas Patuloy na Tinututukan ng PHO

Quarterly Allowance para sa SPED Students Muling Ipinamahagi ng Kapitolyo
January 23, 2021
400 Food Packs Ipinamahagi sa mga Binagyo sa Lungsod ng Batangas
January 23, 2021

January 23, 2020

Sa kabila ng nararanasang pandemya, patuloy ding tinututukang solusyunan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, sa gabay at direktiba ni Governor DoDo Mandanas at sa pamamagitan ng Provincial Health Office (PHO) na pinangungunahan ni Dr. Rosvilinda Ozaeta, ang pagsugpo ng malnourishment sa lalawigan.

Isinasagawa ngayon ang Operation Timbang Plus (OPT+), ang taunang pagkuha ng timbang at taas ng mga batang 0-59 buwan o below 5 years old, upang malaman o makilala kung sinu-sino at nasaan ang mga batang malnourished, na kailangang mabigyan ng nutrition priorities at intervention sa mga barangay.

Sa panayam sa B’yaheng Kapitolyo, ang official radio program ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, binigyang-pansin ni Gng. Divina Bauan, Nutrition Officer 3 ng PHO, ang mga detalye at impormasyon tungkol sa pagsasagawa ng Operation Timbang Plus sa lalawigan.

Ayon sa health official, ang malnourished na bata ay may timbang na mababa para sa kanyang edad o hindi kaya naman ay sobra sa timbang. Noon, ang basehan ng OPT ay nakatuon lamang sa bigat, subalit sa patuloy na pag-aaral, napatunayang mahalaga ring maitala ang height o taas o haba ng bata kaya idinagdag na rin ang pagsukat nito, kaya ang aktibidad ay tinatawag na ngayon bilang OPT+.

Binubuo ang OPT+ team ng lalawigan ng mga rural health midwives, Barangay Nutrition Scholars, Barangay Health Workers, Day Care Workers, at mga miyembro ng Sangguniang Pambarangay at Sangguniang Kabataan.

Kabilang sa mga medical equipment na karaniwang ginagamit sa OPT+ ang Salter Weighing Scale, at Nutriboard o Height Board. Pero ngayong panahon ng pandemya, naglabas ng direktiba ang National Nutrition Council na ang gamitin sa mas mabilis na pagkuha ng mga kaukulang datos ang Mid-Upper Arm Circumference (MUAC) tape o color-coded strip upang mabawasan ang oras ng physical contact ng healthcare providers sa mga bata.

Kaugnay nito, ipinaalala ni Gng. Bauan na, sa patuloy na monitoring ng kalusugan ng mga batang Batangueño, huwag mangamba ang mga magulang na makiisa sa nasabing gawain sapagkat mahigpit na ipinatutupad ang mga health protocol sa pagsasagawa ng OTP+.

BM – Batangas Capitol PIO / Photo: Nutritionist PHO

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry

Comments are closed.