OCD: “All the Way” ang Suporta ng National Government sa Evacuation, Relief Efforts sa Batangas

Gov. DoDo: Magpabakuna, Sundin pa rin ang Minimum Public Health Standards
July 3, 2021
Gov. DoDo: Fast-track Taal Response
July 3, 2021

July 3, 2021

Nagsadya sa Lalawigan ng Batangas ang mga opisyal ng Office of the Civil Defense (OCD) –CALABARZON Regional Office at Joint Task Group Taal (JTG-Taal) ng Armed Forces of the Philippines para sa isang Taal Volcano Situation Briefing kasama ang mga opisyal ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas sa Operation Center ng Batangas Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) sa Lungsod ng Batangas noong ika-3 ng Hulyo 2021.

Nagsagawa rin sila ng ocular visit sa baybayin ng Lawa ng Taal, at namahagi ng food packs at essential non-food items para sa mga evacuees sa Bayan ng Agoncillo.

Ibinahagi ng PDRRMO kay OCD Regional Director Theresa Escolano at JTG-Taal Commander, Brig. Gen. Rommel Tello, ang kasalukuyang katatayuan ng operasyon, katuwang ang mga lokal na pamahalaan, at pagtugon nito sa isinagawang paglikas ng mga residente sa mga apektadong bayan malapit sa Taal Volcano na nagpakita ng increase volcanic activity noong ika-1 ng Hulyo 2021.

Sa mensahe ni Director Escolano, “all the way” aniya ang suporta ng pamahalaang nasyunal at mga corresponding line agencies sa oras na kailanganin ng Batangas ang tulong at magkaroon ng full blown evacuation, bunga ng mas malakas na pagsabog ng bulkan.

Dagdag pa nito na sa kasalukuyan ay nasa mabuting kamay ang mga Batangueño sa pangunguna ni Governor DoDo Mandanas sapagkat, sa huling mga pagtataya, ay nanatiling self sufficient ang pamahalaang panlalawigan sa mga pagpapaabot ng tulong, at hindi pa umano nangangailangan ng agarang augmentation ng national government.

Isa din sa mga naging tampok na usapin ang patuloy na nababalitang mga bumabalik na residente sa loob ng 7-km imminent danger zone at maging sa Taal Volcano Island (TVI), na itinuturing na Permanent Danger Zone, dahil sa pagkalmang muli ng TaaL Volcano nitong mga nakaraang araw.

Paalala ni Escolano na hindi pa rin nababawi ang direktiba sa kanila na ilikas ang sinuman sa loob ng danger zones, kaya’t hinihikayat niya ang mas maigting na koordinasyon sa pagitan ng JTG-Taal at mga opisyal ng mga bayan at lokal na kapulisan para sa maayos na pagpapalikas ng mga residente.

Nagbigay paalala din ito sa mga opisyal ng lalawigan ukol sa pagsasaayos ng pagtanggap ng mga darating na donasyon mula sa iba’t-ibang ahensya, pamahalaang lokal, at pribadong sektor o grupo. Bawasan din aniya ang delegasyon ng mga nagdadala ng ayuda sa mga apektadong lugar dahil naman sa patuloy na banta ng umiiral na pandemyang dala ng COVID-19.

Tinutukan din ng opisyal ang posibleng pagkakaroon ng mga super spreader events kung hindi magiging maayos ang implementasyon ng mga distribusyon ng relief goods sa mga evacuation centers. Isa sa mga nakikitang paraan dito ay pagtatalaga ng mga donation hubs na siyang hahawak at mangangasiwa ng distribusyon.

Isasagawa din ng OCD personnel, katuwang ang mga local health officials and workers, ang inspeksyon ng mga evacuation sites upang magbigay paalala at operational briefing sa mga camp managers sa pagpapatupad ng istriktong health protocols at health triage para maiwasan ang COVID-19 outbreak dito.

Dumalo sa hanay ng pamahalaan panlalawigan at iba pang ahensya sina Vice Governor Mark Leviste; Provincial Administrator Levi Dimaunahan; PDRRMO chief Joselito M. Castro; PDRRMO assistant department head Fe D. Fernandez; PSWDO head Jocelyn Montalbo; PSWDO assistant department head Florita Lachica; Philippine Army Col. Erwin Alea, JTG-Taal Deputy Commander; Philippine Information Agency – Batangas chief Mamerta De Castro; Provincial Health Office Assistant Department Head, Dr. Rosalie Masangkay.

Edwin V. Zabarte – Batangas Capitol PIO

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry

Comments are closed.