Nakatakdang buksan ang Montemaria Shrine sa Barangay Pagkilatan, Lungsod ng Batangas bilang isang isolation facility para sa mga COVID-19 patients.
Sa naging panayam kay Provincial Health Officer, Dr. Rosvilinda Ozaeta, tatlong palapag sa 17-storey Montemaria International Pilgrimage and Conference Center ang ipagagamit ng libre, sang-ayon sa direktiba ni Gov. DoDo Mandanas, kaugnay ng patuloy na kampanya ng Lalawigan ng Batangas laban sa new corona virus.
Ayon kay Dr. Ozaeta, positibo ang naging feedback ng Department of Health (DOH) matapos ang isinagawa nitong inspeksyon sa nasabing lugar. Napakaganda raw kasi ng lokasyon ng Monte Maria, na mainam na gawing isolation facility dahil sa sariwang hangin at maaliwalas na kapaligiran.
200 na pasyente ang tinatayang kayang manatili sa magiging pasilidad dito, kung saan sasagutin ng pamahalaang panlalawigan ang mga kagamitang kakailanganin at ang pagkain para sa mga pasyente at medical personnel.
Hinihintay na lamang ang accreditation ng DOH upang gawing Temporary Treatment Monitoring Facility (TTMF) ang naturang pasilidad.
Jayne Elarmo – Batangas Capitol PIO