Mga taga-Laurel, Talisay Nakatanggap na ng Shelter Assistance mula sa Batangas Prov’l. Gov’t.

Shelter Assistance Sinimulan nang Ipamahagi ng Batangas Capitol
February 18, 2020
Notice of Vacant Position
February 19, 2020

February 19, 2020

Volunteer Workers’ Honorarium, Barangay Aid Ibinigay din

“Ang bulkan ginising lamang tayo. Hindi lamang tayo babangon, mas uunlad pa tayo.”

Ito ang magkasabay na hamon at pangako ni Gov. DoDo Mandanas sa ikalawang araw ng pamahahagi ng tulong pinansiyal ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, noong ika-19 ng Pebrero 2020, para sa mga Batangueñong nasiraan ng bahay dahil sa pagputok ng Bulkang Taal, at honorarium distribution para sa mga barangay volunteer workers sa mga Munisipalidad ng Laurel at Talisay.

Sa harap ng munisipyo ng Bayan ng Laurel, umabot sa ₱ 3,747,000 ang kabuuang naibigay na ayuda ng Kapitolyo, kabilang ang ₱ 200,000 para sa pamahalaang bayan, ₱ 260,000 na barangay aid, at ₱ 3,287,000, bilang panimulang tulong para sa 451 na indibidwal na nasiraan ng bahay at cash for work para sa mga barangays volunteers.

Nagkakahalaga naman na ₱ 2,888,000 ang naipaabot na cash assistance sa mga taga-Talisay, sa pagtitipong ginanap sa Doña Maria Laurel Platon School of Agriculture, Brgy. Aya, Talisay.

Ang nasabing gawain ay pagpapatuloy ng ipinangako ng pamahalaang panlalawigan, sa pangunguna ni Gov. Mandanas, na bibigyan ng ayuda ang mga nasiraan ng bahay sa oras na mas mabawasan pa ang banta ng muling pagputok ng bulkan.

Ipinaliwanag naman ni Provincial Social Welfare and Development Office department head Jocelyn Montalbo na ang pagkakasunod-sunod ng mga bayang binibigyan ng tulong ay batay sa kung aling bayan ang naunang nagpasa ng mga official list ng mga benepisyaryo. Ang mga nasa talaan ay ang mga nakipag-ugnayan sa kanilang barangay, Municipal Social Welfare and Development Office, at Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office.

Muling binahagi ni Provincial Administrator Levi Dimaunahan ang pinaplanong permanenteng resettlement area na ipagagawa sa lupang pag-aari ng pamahalaang panlalawigan sa Brgy. Imelda sa Bayan ng San Juan.

Ikinatuwa naman ng mga taga-Laurel, partikular ang mga nakatira sa mga barangay na sakop ng 7-km danger zone radius, ang iniaalok na pabahay ng National Housing Authority na 5,100 units ng libreng pabahay sa Talaibon, Ibaan; Lungsod ng Sto. Tomas; Tiaong, Quezon; at Cavite. Naging pinaka-interesado ang mga evacuees sa 300 units ng libreng pabahay na bukas sa housing site sa Sto. Tomas.

Nakiisa sa pagtitipon ang mga lokal na opisyal ng mga nasabing bayan, sa pangunguna nina Laurel Mayor Joan Amo, 3rd District Board Member Rudy Balba, mga miyembro ng Sangguniang Bayan ng Laurel at Talisay, at mga department heads ng Kapitolyo.

Vince Altar – Batangas Capitol PIO

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry

Comments are closed.