Mga Dangal ng Batangan, Pinarangalan sa 439th Foundation Day ng Lalawigan

439th Foundation Day ng Batangas Province, Ipinagdiwang sa Paraang “New Normal”
December 11, 2020
Consistent COVID-19 Downward Trend, Nakikita sa Batangas Province
December 11, 2020

December 11, 2020

Dangal ng Batangan. Pinangunahan ng Provincial Tourism and Cultural Affairs Office (PTCAO) ang isinagawang pagkilala sa mga natatanging Batangueño na “nagsisilbing dangal ng ating lalawigan ng Batangas” noong ika-8 ng Disyembre 2020 sa Kapitolyo, Lungsod ng Batangas. Ang tropeo (kaliwa) ay halaw sa iskultura ni Eduardo Castrillo na pinamagatang Diwang Batangueño, na makikita sa loob ng Batangas Capitol Compound. Iniabot ni Vice Gov. Mark Leviste ang tropeo kay Ginoong Renerio Concepcion ng Bayan ng Nasugbu, na pinarangalang Batangas Artist for Literature (kanan). Photos: PTCAO

Naging tampok na bahagi ng pagdiriwang ng 439th Foundation Day ng Lalawigan ng Batangas ang isinagawang pagkilala sa mga natatanging Batangueño na, ayon sa Provincial Tourism and Cultural Affairs Office (PTCAO), ay “nagsisilbing dangal ng ating lalawigan ng Batangas.”

Ang hybrid ceremony ay isinagawa kahapon, ika-8 ng Disyembre 2020, mula sa Provincial Tourism and Cultural Affairs Office, at sinaksihan at dinaluhan ng mga panauhin, awardees at manunuod na kapwa pisikal na nasa lugar na pinagdausan at online sa pamamagitan ng livestreaming at video conferencing.

Ang taunang Dangal ng Batangan Awards ay isinasakatuparan sa pamamagitan ng Batangas Culture and Arts Council (BCAC), na nagsasagawa ng pagsala upang mabigyan ng kaukulang parangal ang mga outstanding Batangueños sa larangan ng kultura at sining.

Ang mga kategorya ng nasabing awards ay ang Batangas Artist Award, Heritage Preservation Advocate Award, Folk Arts Award, at ang Eminent Persons, bukod pa ang special recognition para sa mga local government units bilang Pamayanang Dangal ng Batangan.

Tropeong Diwang Batangueño

Natatangi ang mga tumanggap ng pagkilala sa taong ito dahil, sa unang pagkakataon, tinanggap nila bilang tropeo ang isang miniature statue na halaw sa iskultura ni Eduardo Castrillo na pinamagatang Diwang Batangueño, na makikita sa Historical Park sa loob ng Batangas Capitol Compound, at kinumisyon kay Ginoong Michael Toms Semana aka Misha Resin, na isang member artist ng Grupo Sining Batangueño.

Sumasagisang ang istatwa sa limang mahahalagang Batangueño values na Nobility, Wisdom, Beauty, Bravery and Industry.

Kampeon ng mga Migrante

Nauna rito, kinilala ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) ang huwarang pagsisikap ni Aileen Constantino – Peñas para sa mga migrant workers. Sa pamamagitan ng kanyang inisyatibo at pangunguna, patuloy siyang nakapaghahatid ng mga economic and social services para sa kinikilalang mga modernong bayani, ang mga Overseas Filipino Workers.

Pamayanang Dangal ng Batangan

Pinagkalooban ng Pamayanang Dangal ng Batangan awards – bilang mga LGUs na nagbigay ng karangalan at papuri sa Lalawigan ng Batangas dahil sa kanilang mga nakuhang national at international awards and recognitions, for receiving Seal of Good Local Governance (SGLG) Award at iba pagkilala – ang Munisipalidad ng Lobo at Lungsod ng Batangas.

Batangas Artist Award

Ang kategoryang Batangas Artist Award ay ibinibigay sa mga Batangueño artists sa ilang larangan, “whose body of work goes far beyond ordinary expression and practice; their expertise and influence are recognized by their peers in Batangas as well as in the country as sublime expression of Philippine Art and Culture.”

Para sa Music, naging awardee si Edgardo Manguiat ng Lungsod ng Lipa. Ang founder ng University of the Philippines Singing Ambassadors ay isang batikang composer, musician, conductor at multi-awarded artist, na nakatanggap ng 5th Ani ng Dangal Award 2013 “for achieving the highest level of artistic excellence and bringing honor to the country.”

Para sa Dance, ang ballerina mula Lungsod ng Batangas na si Sharlene Sawamoto ang binigyang pagkilala. Siya ay isang bonafide institutional member ng Association of Ballet Academies, Philippines (ABAP), registered teacher ng Australian Conservatoire of Ballet, at Certified Teacher ng Hapa Haole Polynesian Dances.

Para sa Theatre, si Vince Conrad Abratigue ng Lungsod ng Batangas ang naging awardee. Nagsimula siyang lumabas sa teatro noong 2014, at naging bahagi ng iba’t ibang theatrical productions, kabilang ang Ang Pasyon ni Obispo Alfredo Verzosa ng Nueva Segovia at Lipa, Song of Joseph, San Pedro Calungsod The Musical, ang Pagbabalik Tanaw ng Unang Hari ng Balagtasan, Ibong Adarna, at El Filibusterismo.
Para sa Visual Arts, pinarangalan si Raynante Carandang ng Bayan ng Tuy. Siya ang kasalukuyang vice chairperson ng Grupo Sining Batangueño at founder-president ng Pintor Kulapol Visual Artist group and Parisukat Artists Group sa Tuy, Batangas. Nagwagi siya sa mga pambansang painting competitions, at nagsagawa ng local at national art exhibition at workshops.

Para sa Literature, kinilala si Renerio Concepcion ng Bayan ng Nasugbu. Si Ginoong Concepcion, na nagsilbing University Chairperson ng Filipino Department ng Batangas State University sa Batangas City mula 2008 hanggang 2014, ay isang award-winning na manunulat ng sanaysay, maikling kuwento, at theater scripts, na kinatampukan ng Carlos Palanca Memorial Award noong 2010.

Para sa Media Arts, nahirang si Rogger Basco ng Lungsod ng Lipa. Ang Outstanding Lipeño 2008 awardee ay isang multi-talented artist na kilala sa pagdadaos ng mga orihinal na musical plays, kagaya ng Alamat ng Sarimanok, Missa Klassico, Ramamarang Tagaluga, Kalikha at Piharo. Siya ang nagtanghal ng kauna-unahang CALABARZON-wide inter-college film festival.

Para sa architecture, napiling parangalan si Rafael Briones ng Lungsod ng Lipa. Ang dating Chapter President ng United Architects of the Philippines (UAP) Batangas Chapter ay naging opisyal at kasapi ng mga pambansa at internasyunal na mga samahan ng mga arkitekto. Kilala siya sa disenyo at konstruksyon ng Our Lady of Peace & Good Voyage sa Antipolo, Rizal; Alitagtag Parish Church; at Theological Seminary ng St. Francis de Sales sa Lipa City.

Folk Arts Award

Samantala, ang isang indibidwal o grupo, “who promotes, preserves, conserves and sustains folk arts and traditional arts that reflects important or diverse Batangueño traditions, arts, and cultural heritage; and, works on traditional customs, crafts and ways of living as tangible Batangueño identity,” ay ginagawaran ng Folk Arts Award.

Para sa taong ito, ang parangal ay iginawad kay Ginoong Teofilo Catanyag ng Bayan ng Alitagtag. Ang natatanging Alitagtagueñong Alagad ng Sining 2020 awardee mula sa Pamahalaang Bayan ng Alitagtag ay isang iskultor, manunulat at tagapagtaguyod ng katutubong sining ng Batangas.

Ang kanyang mga likha, kabilang ang mga life-sized sculptures, ay naipakita na sa iba’t ibang mga exhibits sa lalawigan. Ang ginawa niyang relief mural, na may titulong “Maniago Revolt, 1660,” ay naka-install sa National Historical Institute sa Ermita, Manila. Naging bahagi na rin siya ng mga art exhibitions sa mga art galleries sa Metro Manila.

Ang kanyang mga nailathalang aklat, ang Alayang Bantayog at Aklat ng Magkakabayo: Sining at Kultura ng Alitagtag, ay nagbabahagi ng kasaysayan at kahalagahan ng Sta. Cruz ng Alitagtag at ng kanyang mga pagsisikap na maituguyod ang local folk arts ng kanilang bayan.

Heritage Preservation Advocate

Binigyang pagkilala naman bilang Heritage Preservation Advocate awardee si Marian Pastor – Roces ng Lungsod ng Batangas. Nahirang si Pastor – Roces dahil kasabay ng kanyang trabaho sa larangan ng curatorship, museum and exhibition development, cultural analysis for urban planning, cultural assets mapping, public art consultancy, publications and research, patuloy pa rin niyang isinusulong ang kamalayan para sa pangangalaga at pagpapaunlad ng pamanang pang-kultura, kasaysayan, at pananampalataya ng Batangas.

Isa siyang tagapagtaguyod ng sayaw na Subli, na naghahangad na ito ay lalo pang mapalaganap at manitiling buhay sa kamalayan ng mga Batangueño. Kabilang naman sa kanyang mga naisulat na aklat ang “Puntong Batangan, Katwiran at Dila Dine sa Batangas City” (2006), at ang Ayala Foundation-sponsored na “Batangas Forged in Fire” (2002).

Si Pastor – Roces ang curator ng University of the Philippines – Manila’s Museum of History of Ideas, Yuchengco Museum sa Makati, Museo Marino sa Manila, at Cultural Center of the Philippine’s Museo ng Kalinangang Katutubo. Siya rin ang nagsaayos ng Museo Puntong Batangan ng Batangas City.

Eminent Persons

Kinikilalang Eminent Person ang isang Batangueño na tanyag at respetado, hindi lamang sa lalawigan, kundi sa buong bansa dahil sa pagiging dalubhasa sa kaniyang propesyon. Ang mga nominado ay dumadaan sa pagsusuri ng Batangas Tourism Council at pinagtitibay ng gobernador.

Para sa taong 2020, binigyang rekognisyon sina Elena Rivera Mirano ng Bayan ng San Luis, Renee Salud ng Bayan ng San Juan, at Leo Martinez ng Bayan ng Balayan.

Si Mirano ay isang Professor Emeritus in Art Studies in the College of Arts and Letters sa University of the Philippines. Nagsagawa siya ng malawak na pagsasaliksik sa traditional culture ng Southern Tagalog at musical heritage ng Pilipinas. Siya ang may-akda ng librong “Subli: One Dance in Four Voices” na pinarangalan sa 1989 National Book Awards.

Samantala, si Salud ay isang icon sa larangan ng Philippine Fashion. Isinusulong niya ang paggamit ng Philippine indigenous materials na gawa ng mga lokal na artisans, weavers, sewers at embroiderers, na ginagawa niyang kabahagi sa kanyang mga disenyo. Ang kanyang mga fashion creations ay naipakita na sa malalaking international expos sa Japan, Taiwan, Spain at Caribbean, kaya kinikilala siyang “Philippine Ambassador of Fashion.”

Ang award-winning at batikang movie at theater actor na si Martinez ang ikatlong awardee. Ang director general ng Film Academy of the Philippines ay kilalang tagapagsulong ng kultura at tradisyong Batangueño, partikular sa kaniyang bayan ng Balayan. Isa rin siyang dating bahagi ng National Commission for Culture and the Arts at former chairperson ng Katipunan ng mga Artista ng Pelikulang Pilipino at Telebisyon.

Vince Altar – Batangas Capitol PIO

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry

Comments are closed.