Mangrove Clean-up, Patuloy na Isinasagawa

3rd Quarter Meeting ng 4Ps Batangas Provincial Advisory Committee Isinagawa
September 4, 2021
Monitoring sa mga Naitanim na Halaman at Puno sa Lalawigan, Patuloy na Isinasagawa ng PGENRO
September 4, 2021

September 4, 2021

Nagsagawa kamakailan ang Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, sa pangunguna ng Provincial Government Environment and Natural Resources Office (PGENRO), ng paglilinis sa paligid ng mga bagong tanim at bata pang bakawan sa baybaying barangay ng Banoyo, Bayan ng San Luis.

Nakatuwang ng PGENRO sa aktibidad ang mga miyembro ng Municipal Agriculture Office ng San Luis, Bantay Dagat at mamamayan ng nasabing barangay. Naalis sa bakawan ang mga basurang kagaya ng plastic bags, lalagyan ng pagkain, sanitary napkin, diapers, plastic cups, sako, tali, fishing net, damit at face masks.

Bahagi ito ng tuloy-tuloy na pagsasagawa ng pamahalaang panlalawigan, sa direktiba ni Governor DoDo Mandanas, ng mga pamamaraan upang mas maisulong ang pagpapanatili ng maayos na pamamahala at pag-iingat sa mga mangroves o bakawan sa lalawigan kahit ngayong panahon ng pandemya.

Regular na naisasagawa ng PGENRO ang ganitong clean-up operations sa mga bayan na may mangrove areas, tulad ng Batangas City, Calatagan, Lemery, Lian, Lobo, Nasugbu, San Juan, San Luis at Tingloy.

Ang Lalawigan ng Batangas ay may baybayin na humigit-kumulang na 492 kilometro mula Nasugbu hanggang San Juan. Ayon sa National Mapping and Resource Information Authority, sa hangganan o pagitan ng lupa at dagat ng lalawigan ay matatagpuan ang may kabuuang 681 hectares ng bakawan, isang natatangi at espesyal na ecosystem.

Mahalaga at malaki ang ginagampanan ng bakawan sa kalusugan, seguridad sa pagkain, at hanapbuhay sa mga komunidad na nasa baybaying-dagat. Ang bakawan din ang sumusuporta sa isang mayaman na biodiversity dahil nagsisilbi itong tirahan o nursery sites para sa mga isda at crustaceans.

Tumutulong din ang bakawan upang maprotektahan ang mga baybayin sa maaaring maging epekto ng bagyo, tsunami, pagtaas ng lebel ng tubig sa dagat, at pagguho ng lupa na dulot ng climate change.

Kaugnay nito, ang bakawan ay nangangailangan ng tamang pangangalaga, mula sa pagtatanim ng tamang species sa tamang lugar, monitoring o pagsubaybay mula sa araw na itinanim hanggang sa paglaki nito, at paglilinis ng paligid, pagtatanggal ng mga kumapit na basura o napunta sa mga ugat ng puno ng bakawan na kalimitang nanggaling sa mga ilog na tumutuloy sa dagat o dala ng alon, na makakapigil sa paglaki o magdulot ng pagkamatay nito.

Patuloy ang pagsasagawa ng tanggapan ng mga information at educational campaigns at paghihikayat sa mga mamamayan sa komunidad na makiisa sa tamang pagtatapon ng basura upang mabawasan, hanggang sa tuluyan mawala na, ang mga basura na napupunta sa mga mangrove areas at iba pang bahagi ng habitat ecosystem.

Batangas Capitol PIO – PGENRO

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry
5

Comments are closed.