Kauna-unahang Virtual Awarding Ceremony, Isinagawa ng Provincial Health Office Kaugnay ng Lung Month Celebration 2020

Mga Gawain at Ayuda ng Provincial Social Welfare and Development Office para sa Taal Volcano Victims at Naaapektuhan ng COVID-19 Pandemic, Walang Tigil
September 12, 2020
Notice of Award – Purchase and delivery various household cleaning products and personal hygiene products for the operationalization of the Provincial Mobile Market (Development and sustainability of Barangay / Community-Based Retail Industry
September 14, 2020

September 13, 2020

Isinagawa ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, sa pamamagitan ng Provincial Health Office (PHO), ang kauna-unahang Virtual Awarding Ceremony kaugnay ng pagdiriwang ng Lung Month nitong buwan ng Agosto.

Sa gabay ng temang “Facing the challenges of a New Normal: #GalingLungs,” ang paggawad ng pagkilala ay isinagawa noong ika-7 ng Setyembre 2020 upang kilalanin ang mga katuwang ng pamahalaang panlalawigan at ng Department of Health sa pagpapatupad ng National Tuberculosis (TB) Program sa buong Lalawigan ng Batangas.

“Sa tulong at awa ng Panginoon at ating pagkakaisa, maipapaabot natin sa kinauukulan ang kalusugan na kailangan para sa kaunlaran,” ito ang binigyang-diin ni Governor DoDo Mandanas sa kanyang inspirational message sa mahigit 50 nakilahok sa nasabing pagtitipong online.

“Ang ating paglaban sa TB ay hindi lamang tuwing buwan ng Agosto, kung kailang ipinagdiriwang ang Lung Month, kundi tuloy-tuloy,” saad ng Batangas governor, na idinagdag pang personal para sa kanya ang pagsugpo ng TB dahil ang kanyang ama at mga kapatid nito ay nagkasakit ng TB at iba pang sakit sa baga.

Nakamit ng Lungsod ng Batangas ang Highest Achievement Award, matapos makapagtala ng 266% Case Notification Rate at 92% Treatment Success Rate. Ginawaran naman ng Certificates of Recognition ang mga Bayan ng Bauan (464% Case Notification Rate at 96% Treatment Success Rate), San Jose (547% Case Notification Rate at 100% Treatment Success Rate), Tingloy (707% Case Notification Rate at 93% Treatment Success Rate).

Tumanggap naman ng Special Awards sina Dr. Rufo Luna ng San Jose Rural Health Unit bilang Best Municipal Health Officer in TB Program; Vicky Atienza ng Batangas City at Edwina Cantos ng San Jose bilang Best Nurse in TB Program; Annie Awat ng Padre Garcia bilang Best MedTech / Microscopist in TB Care; at Jesusa Blanco bilang Best Treatment Partner. Nahirang namang Best Treatment Center ang Lipa City Satellite Treatment Center; Most Innovative Local Government Unit in TB Elimination Program Implementation ang Ibaan Rural Health Unit; at Best Performance in Integrated Tuberculosis System ang Agoncillo Rural Health Unit.

Pinasalamatan naman ng PHO, sa pangunguna nina Dr. Rosvilinda Ozaeta, PHO department head, at Dr. Rosalie Macatangay, Assistant Department Head at namamahala sa Provincial TB Core Team, ang malaking tulong ng Department of Health at non-government organization partner na US-Aid.

Nakiisa sa pagtitipon ang iba’t ibang local health units sa mga lungsod at bayan ng lalawigan, kasama sina 2nd District Board Member, Dr. Arlina Magboo, at San Jose Mayor Ben Patron, na Pangulo ng League of Municipalities of the Philippines – Batangas Chapter.

Ipinagdiriwang ang Lung Month tuwing Agosto ng bawat taon, sa bisa ng Proclamation No. 1761, series of 1978, upang magkaroon ng kamalayan ang publiko tungkol sa mga sakit sa baga at ang mga paraang pangkalusugan upang makaiwas sa mga ito.

Vince Altar – Batangas Capitol PIO

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry

Comments are closed.