Kasalukuyang Estado ng Bulkang Taal Tinalakay ng PHIVOLCS Rep

Proposed Batangas Provincial Medical Center, Ililipat ng Lokasyon
November 22, 2020
Invitation to Bid (Dec. 18, 2020)
November 27, 2020

November 22, 2020

Matapos ang pagsabog ng Bulkang Taal noong ika-12 ng Enero 2020, patuloy pa rin ang mga aktibidad ng kilalang bulkan sa Lalawigan ng Batangas.

Upang magbigay ng paglilinaw sa kasalukuyang estado nito, nakapanayam ng B’yaheng Kapitolyo si Ginoong Paulo Reniva, Science Research Specialist ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) at kasalukuyang Taal Volcano Observatory Resident Volcanologist, noong November 18, 2020.

Ayon kay Reniva, ang Bulkang Taal ay nasa ilalim pa rin ng Alert Level I o aktibo pa rin ito at patuloy ang pagburog at pagbubuga ng steam kaya hindi maaaring maging kampante, lalo na ang mga residente sa mga bayang malapit dito.

33 ang recorded eruptions ng Bulkang Taal, at pinakamalakas ang mga ito noong 1754, 1911, 1965 at 2020 dahil sa main crater ito nagmula, sa kabila ng pagkakaroon ng 47 craters.

Walang Iskedyul o Timeline ang Pagputok ng Bulkan

Ibinahagi ng volcanologist na March 2019 pa umano naramdaman ang mataas na aktibidad sa bulkan, na patuloy pa ngang lumakas kaya noong Enero 2020 ay sumabog na nga ito.

Ipinaliwanag din ni Ginoong Reniva na hindi totoo ang paniniwala na nagsasabing sumasabog lamang ang bulkan kada-50 taon. Ang pagputok nito, aniya, ay batay sa aktibidad, na pinapag-aralan sa pamamagitan ng mga datos at hindi nakabase sa isang timeline o iskedyul.

Ang mga bulkan, ayon kay Reneva, ay nag-iipon ng pressure at kapag nakaipon na ng sapat na gases, saka lamang ito sasabog. Pag may umakyat na magma, nagkaroon ng formation, na nagiging sanhi ng mga lindol. Ang mga ito umano ang basehan, hindi ang time period.

Pagdating naman sa Volcano Explosivity Index (VEI), ang naging pagputok ng Taal nung Enero ay VEI 3 lamang, na mababa kumpara sa Pinatubo eruption noong 1991 na may VEI na 6. Sa naganap sa Bulkang Taal, hindi nagkaroon ng binabantayan ng PHIVOLCS na volcanic tsunami at bay surge. Ang naging hazards lamang ay ballistic projectiles at ash fall, kabilang ang naganap ng mga fissuring o pagbibitak ng lupa sa palibot ng lawa.

Permanent Danger Zone

Mahigpit pa ring ipinagbabawal ang pagtatayo ng anumang istraktura at paninirahan sa Taal Volcano Island, pati ang pagpunta sa crater.

Ang hindi talaga aniya maiwasan ay ang pagpunta ng ibang residente sa pulo para puntahan ang mga binabantayang fish cages. Sinisigurado na lamang aniya, katuwang ang mga local government units, na bumabalik ang mga ito sa mainland tuwing hapon.

Pagbibitak ng Lupa

Nabanggit din ni Reniva na pagkatapos ng eruption, naglabasan ang mga fissures o pagbibitak ng lupa sa mga Bayan ng Lemery, San Nicolas, Agoncillo, at Talisay at Lungsod ng Tanauan.

Nagsasagawa na ang kanilang ahensya ng mapping ng mga ito, na nahinto dahil sa community quarantine at lockdown. Pero may inisyatibo na umano ang PHIVOLCS na gumamit ng aerial photography at satellite images para maituloy ang nasabing paglalagay ng mga fissures sa hazard map ng lalawigan.

Kaugnay nito, sa hiling ni Gov. Mandanas, nagsumite na ang PHIVOLCS ng ulat sa kanyang tanggapan upang mas mapag-aralan ang mga kaukulang hakbang para sa nasabing sitwasyon.

Payo rin ni Ginoong Reniva na maaari aniyang kumonsulta ang publiko sa free application na Hazard Hunter. Sa pamamagitan ng app na ito, makikita ang distansya ng isang lugar mula sa iba’t ibang hazards, tulad ng mga banta ng lindol, pagbaha at volcanic eruption.

Samantala, isinaad din ng volcanologist na ang mga naitang fissuring ay may sukat na hindi lalampas sa 185 meters ang haba, 9 meters ang lapad at 3 hanggang 9 meters ang lalim.

Bilang babala sa publiko, pinaalala nito na kapag may established fissuring na sa isang lugar ay iwasan ang paglapit sa palibot nito ng hindi bababa sa 5 metro at huwag nang magtatayo ng istruktura.

Marinela Jade Maneja / Photo: Karl Ambida – Batangas Capitol PIO

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry
1

Comments are closed.