Kapayapaan, tampok na paksa sa Patimpalak sa Makabagong Panunula 2019

Batangueño Taekwondo champs, pinaralangan sa Kapitolyo
August 28, 2019
16th Congress ng Batang Atikha Savers Club, isinagawa sa Kapitolyo
August 30, 2019

August 29, 2019

Kapayapaan sa mata ng Kabataan. Muling nagwagi bilang kampeon ang Golden Gate Colleges na kinatawanan ni Clariss B. Perillo (2nd sa kanan) sa idinaos na 2nd Spoken Poetry – Makabagong Panunula 2019, na ginanap sa SM City Batangas Event Center noong ika-28 ng Agosto 2019. Makikita rin sa larawan si 5th District Senior Board Member Claudette Ambida-Alday (gitna) kasama ang iba pang mga nagkamit ng karangalan: (mula sa kanan) James Andrei B. Villajuan ng Alangilan Senior High School (2nd place), Moira Matthew L. Aclan ng St. Bridget College (3rd place), at Nicolle Ann D. Catral ng Conde Labac National High School (4th place). ✐Mark Jonathan M. Macaraig / Photo: MaccVenn Ocampo – Batangas Capitol PIO

Golden Gate Colleges – Batangas City muling hinirang na kampeon

Ang buong buwan ng Agosto kada taon, alinsunod sa Proklamasyon Bilang 1041 ng taong 1997, ay idineklara ng pamahalaan, bilang pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa o selebrasyon ng Wikang Filipino. Kaugnay nito, sa ikalawang taon, idinaos ang patimpalak na ‘Spoken Poetry’ o Makabagong Panunula na ginanap sa SM City Batangas Event Center noong ika-28 ng Agosto 2019.

Ang nasabing paligsahan ay proyekto at mula sa inisyatibo ni 5th District Senior Board Member Claudette Ambida-Alday, katuwang ang Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, sa pamamagitan ng Tanggapan ng Panlalawigang Turismo at Ugnayang Pangkultura, at sa pakikipagtulungan ng JCI Batangas Caballero at SM City Batangas.

Sa gabay ng temang “Kapayapaan sa mata ng Kabataan,” binigyan ng tig-5 minuto ang 15 kalahok, na pawang mga Senior High School Students mula sa iba’t-ibang pribado at pampublikong paaralan sa Lungsod ng Batangas upang maipamalas ang kani-kanilang taglay na angking galing at talento sa pagtatanghal ng kanilang orihinal at sariling tula.

Muling hinirang na kampeon ang Golden Gate Colleges (GGC) sa katauhan ni Clariss B. Perillo na nakatanggap ng tropeo, balisong souvenir, ₱2,000 na halaga ng gift certificate, at cash prize na nagkakahalaga ng ₱7,000.

Pumangalawa si James Andrei B. Villajuan ng Alangilan Senior High School, pangatlo si Moira Matthew L. Aclan ng St. Bridget College, at ikaapat si Nicolle Ann D. Catral ng Conde Labac National High School.

Ang bawat kalahok ay hinusgahan sa pamamagitan ng pamantayang kinapapalooban ng mensahe o nilalaman ng piyesa, pagtatanghal, memorya, at linaw at ganda ng boses o pagsasalita.

Ang Makabagong Panunula, na ngayon ay isa nang taunang paligsahan, ay isinasagawa sa pamamagitan ng pagpepresenta o pagtatanghal na ginagamitan lamang ng salita. Ang spoken word poetry, bilang isang nauusong uri ng sining sa mga kabataan ay ang paggamit ng word play na naaakma sa paksa, tono ng boses o intonasyon at kung minsan ay maaaring lapatan ng musika upang ipahayag ang saloobin at pumukaw ng atensyon.

Sa naging pahayag ni Senior Board Member Ambida-Alday, ang patimpalak ay bahagi ng pagsasagawa ng mga makabuluhan at napapanahong mga programang may kinalaman sa wika at kulturang Filipino. Layunin din umano nito na pahalagahan ang wikang pambansa at ang pagpapataas ng kamalayang pangwika, lalo na sa mga kabataan.

Nangako naman ang bokala, na sa abot ng kaniyang makakaya, ay ipagpapatuloy niya at hindi hahayaang maputol ang nasimulang proyekto. Sa katunayan aniya, may plano pa itong palawigin ang paligsahan sa buong lalawigan.

Dagdag pa nito, isusulong pa niya ang mga ganitong uri ng aktibidad na tiyak na magtataguyod sa ugnayan sa pagitan ng sektor ng kabataan at ng pamahalaan. Ito ay para madama aniya na ang naturang sektor ay kinikilala, pinapahalagahan, at sinisiguradong nagkakaroon ng aktibong pakikilahok sa mga proyektong hatid ng gobyerno.

Mark Jonathan M. Macaraig – Batangas Capitol PIO

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry

Comments are closed.