Kakayahan sa Pagtugon sa National Medical Emergencies, Ikinakasa sa Batangas

Notice of Award – Purchase of Sinandomeng Rice, Instant Noodles, Meatloaf, Sardines, and Egg
May 14, 2020
Tuloy-tuloy na Serbisyo, Hatid ng Batangas ProVet Office
May 20, 2020

May 19, 2020

Binigyang direktiba ni Governor DoDo Mandanas ang Batangas Province Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) na magsagawa ng agarang paghahanda at pag-aaral para sa modernisasyon ng mga health facilities na nasa pamamahala ng pamahalaang panlalawigan, ganun na rin ang pagpapalakas ng kakayahan ng mga ito sa pagtugon sa national health and medical emergencies, tulad ng nararanasang pandemya.

Sa pagpupulong ng Batangas IATF-EID, sa pamamagitan ng teleconference noong ika-18 ng Mayo 2020, binigyang-diin ni Governor Mandanas ang kahalagahan ng pagkakaroon ng mga pagamutang panlalawigan na sapat ang mga kagamitan. Nais din niyang madagdagan pa ang mga pampublikong ospital sa Batangas.

Inatasan ng gobernador ang Provincial Health Office na magbalangkas ng modernization plan para sa mga provincial at district hospitals, na may mga fully-equipped emergency rooms at at medical equipment, tulad ng CT Scan at MRI machines, at sapat na medical personnel.

Ang nasabing programa ay isang hakbang upang maitaas sa Level 2 ang Medical Accreditation ng mga public medical facilities sa Batangas, na maihahanay sa kakayahan ng mga modernong ospital sa bansa.

Makikipag-ugnayan din ang PHO sa Provincial Engineering Office upang agarang mapag-aralan ang pagpapatayo ng karagdagang district hospital sa ikalawang distrito para sa mga mamamayan ng mga Bayan ng San Pascual, Mabini at Bauan.

Ipinaalala rin ni Gov. Mandanas ang agarang pagsasaayos ng mga quarantine facilities sa buong lalawigan. Nagbigay din siya ng direktibang upang maisailalim ang lahat ng mga opisyal at kawani ng pamahalaang panlalawigan sa COVID-19 PCR Test.

Nakipag-ugnayan din si Gov. Mandanas kay Batangas PNP Chief, Police Col. Rex Arvin Torres- Malimban, para naman sa pagpapasuri ng mga miyembro ng Batangas PNP na nasa frontlines laban sa COVID -19.

Sa kasalukuyan, ang buong lalawigan ay nasa ilalaim ng General Community Quarantine (GCQ) ngunit mahigpit pa rin ang pagpapatupad ng medical at quarantine guidelines na inilabas ng National Inter-Agency Task Force.

Mahigpit pa rin ang atas at tagubilin ng pamahalaang panlalawigan sa mga lokal na pamahalaan nito at sa lahat ng mga Batangueño na sundin ang mga quarantine protocols tulad ng physical o social distancing, pagsusuot ng face mask at Personal Protective Equipment (PPE), at pagsunod sa mga itinakadang curfew at Stay at Home policy para sa mga may edad ng dalawampung taon pababa, mga senior citizens at mga indibidwal na may iniinda nang respiratory conditions.

Edwin V. Zabarte – Batangas Capitol PIO

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry
1

Comments are closed.