Istriktong Implementasyon ng “No Human Settlements Land” Resolution, mas Pinaigting sa Harap ng Pagtaas ng Alert Status ng Bulkang Taal

Invitation to Quote – Construction of Coffee Processing Center in Brgy. Aga, Nasugbu, Batangas
March 9, 2021
Pre-Disaster Risk Assessment, Evacuation Plan Isinagawa Dahil sa Banta ng Bulkang Taal
March 12, 2021

March 9, 2021

Batay sa huling bulletin ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) na inilabas ngayong araw ng Martes, ika-9 ng Marso 2021 ganap na ika-8 ng umaga, itinaas sa Alert Level 2 (increasing unrest) ang alert status sa Bulkang Taal.

Kaugnay nito, agaran ang naging pag-aksyon ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas kung saan nagbigay ng direktiba si Governor DoDo Mandanas na mas paigtingin ang istriktong implementasyon at pagpapatupad ng Protected Area Management Board (PAMB) Resolution No. 65 o ang deklarasyon na nagsasailalim sa buong Taal Volcano Island bilang “No Human Settlements Land” upang maiwasan ang anumang panganib na maidudulot nito sa oras na magkaroon ng aktibidad ang bulkan.
Tiniyak din ni Governor Mandanas na handa ang lalawigan sa pagtugon sa anumang posibleng epekto sa pagtataas ng alert status ng Bulkang Taal.

“Nananatili tayong handa sa pagtulong. We will provide full cooperation and undertake measures under the direction of DENR and other concerned agencies,” saad ng gobernador, kasabay ng pagbibigay-diin sa stricter implementation at enforcement ng PAMB resolution.

Ang PAMB ang policy at decision-making body ng Taal Volcano Protected Landscape (TVPL), sang-ayon sa National Integrated Protected Areas System (NIPAS) Act of 1992, na nagtuturing sa Taal Volcano, Taal Lake at palibot nito bilang National Park sa ilalim ng Konstitusyon ng Pilipinas. Ito ay binubuo ng mga national government agencies, local government units, non-government organizations at people’s organizations na magtutulong-tulong sa konserbasyon at pangangalaga ng TVPL.

Sa nakalipas na 24 oras, nakapagtala ang Taal Volcano Network (TVN) ng may kabuuang dalawampu’t walong (28) volcanic tremor episodes, apat (4) na low frequency volcanic earthquakes, at isang (1) hybrid earthquake.

Bukod dito, simula noong magpakita ng pagdami ng aktibidad ang bulkan noong ika-13 ng Pebrero ngayong taon, umabot na sa 866 volcanic tremor episodes at 141 low-frequency earthquakes ang naitala ng ahensya.

Ang PHIVOLCS at Batangas Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office ay nagpapaalala sa publiko na sa naturang lebel o antas, nangangahulugan ito na mayroong magmatic activity na maaari o hindi posibleng magdulot ng pag-alboroto ng bulkan.

Sa Alert Level 2, hindi pa inirerekomenda ang paglilikas sa mga residente ngunit kagaya ng pagpapatupad sa PAMB Resolution No. 65, mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok sa TVI (Taal Caldera at Taal Volcano Island), na itinalagang Permanent Danger Zone o PDZ ng Bulkang Taal, lalung-lalo na sa palibot at loob ng Main Crater at ng Daang Kastila fissure.

Samantala, ayon pa kay Governor DoDo Mandanas, ugaliing makinig sa abiso ng bawat lokal na pamahalaan at panatilihin ang pagiging #HANDA, ma-#INGAT, at #MAGITING.

Ipinababatid naman sa publiko ng Batangas Provincial Information Office, mahalaga na tama ang impormasyon na nakakalap at ibinabahagi. Tiyakin na totoo ang impormasyon bago i-share at palagian na mag-fact-check o tumingin lamang sa verified at legitimate sources.

Mark Jonathan M. Macaraig /Photo (January 8, 2021): by Karl Ambida – Batangas Capitol PIO
With reports from PHIVOLCS

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry
1

Comments are closed.