Industriya ng Kape sa lalawigan ng Batangas, patuloy na pinalalakas

Notice of Vacant Position
September 13, 2019
Linggo ng Kabataan ipinagdiwang sa Kapitolyo
September 16, 2019

September 16, 2019

Sa adhikain na muling maibalik ang sigla ng industriya ng kape at pataasin ang antas ng pamumuhay ng bawat isang magsasaka nito sa lalawigan, ang Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas ay patuloy na gumagawa ng mga paraan upang maisulong ang nasabing industriya, kabilang ang pakikipag-ugnayan ng Tanggapan ng Panlalawigang Agrikultor (OPAg) sa Kagawaran ng Pagsasaka (DA).

Kaugnay nito, matagumpay na naisagawa ang isang pagsasanay sa produksyon ng kape na ginanap noong ika-22 ng Agosto 2019 sa Barangay Bolbok, Taal, Batangas. Naging kalahok sa pagsasanay na ito ang apatnapung (40) magsasaka ng kape na nagmula sa unang distrito ng probinsya.

Layunin ng pagsasanay na mabigyan ng karagdagang kaalaman ang mga coffee farmers patungkol sa kahalagahan ng tamang paggamit o paggawa ng mga makabagong pamamaraan sa pagpapalaki at pagpaparami ng kape upang mapataas ang produksyon nito sa lalawigan. Karamihan sa mga naging kalahok ay unang beses pa lang na magtatanim ng kape at mga baguhan sa larangan ng pagkakapihan.

Nagsilbing resource person si Mr. Rodrigo H. Diloy, isang eksperto sa kape at Head ng Technical Demonstration Division ng National Coffee Research, Development and Extension Center (NCRDEC). Dito ay tinalakay niya ang mga sumusunod na mga paksa: History/Background of Coffee, Identification of Coffee Species, Nursery Establishment and Management, Methods of Coffee Propagation, Establishment and Management of Coffee Plantation, and Management of Coffee Pest and Diseases.

Naging bahagi rin ng pagsasanay ang pamamahagi ng DA ng punlang kapeng liberica at robusta. Sa ngayon, ang kagawaran ay nakapamahagi na ng 53, 800 punlang kape sa buong lalawigan.

Ang nasabing training on coffee production ay naisakatuparan sa inisyatibo at pagbibigay ng pondo ng DA Region IV-A. Naging tagapag-ugnay naman ang OPAg, sa ilalim ng pamumuno ni Engr. Pablito Balantac, sa pagsasa-ayos at pagbibigay ng ilang mga pangangailan sa nasabing pagsasanay.

Kabalikat din ang ilang mga ahensya para sa matagumpay na pagsasakatuparan, kabilang ang Agricultural Program Coordinating Office (APCO), at mga Tanggapan ng Pambayang Agrikultor ng Taal, Calaca, Lemery, Lian, Nasugbu, Tuy, at Alitagtag.

Sa taong kasalukuyan, ang Batangas ay mayroong kabuuang 1,151.16 hectares (ha) na natataniman ng kape, na nahahati sa 546.74 ektarya na may kapeng Excelsa, 195.5 ektarya para sa Liberica, at 409.34 ektarya na may Robusta.

Mark Jonathan M. Macaraig – Batangas Capitol PIO

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry

Comments are closed.