Ika-23 Anibersaryo ng PACD, ipinagdiwang

2019 Mid-Term Program Assessment, Joint Council Meeting, isinagawa sa Batangas Capitol
July 3, 2019
60% counterpart salary mula sa Pamahalaang Panlalawigan, ipinamahagi sa SPES grantees
July 3, 2019

July 3, 2019

Pormal na ginunita at ipinagdiwang ng Provincial Assistance for Community Development Office (PACD) ang ika-23 taong anibersaryo ng pagkakatatag ng tanggapan bilang isang departamento Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas noong July 1, 2019 sa PACD Office, Capitol Compound, Batangas City.

Idinaos ng PACD ang isang maigsing programa at salu-salo, na may temang “Serving the Community, twenty-three years and beyond.” Naging departamento ang PACD noong ika-10 ng Hunyo 1996 sa pamamagitan ng Panlalawigang Ordinansa Blg. 002, na isinulong noon ni Sangguniang Panlalawigan Board Member Roberto Panganiban. Ito ay naganap sa unang tatlong termino ni Gov. DoDo Mandanas.

Naging tampok sa pagdiriwang ang pagbibigay-pugay sa mga datihang nagsilbing department heads ng tanggapan, kabilang sina Mrs. Celia L. Atienza (1998-2007), Mr. Pedrito Martin M. Dijan, Jr. (2007-2016), at Dr. Amante Moog (2016-2019).

Ginawaran sila ng Plaque of Recognition, sa pangunguna ni Gov. Dodo Mandanas at kasalukuyang PACD Chief Fredesvinda Mendoza, bilang pagkilala sa kanilang naging serbisyo at dedikasyon bilang puno ng tanggapan.

Ang PACD ay isinilang bilang isang sangay ng Tanggapan ng Punong Lalawigan, noong liderato ni Gov. Feliciano “Sanoy” Leviste, na tinaguring “Father of Community Development.” Naging batayan sa paglikha ng PACD ang Community Development Program noong panahon ni Pangulong Ramon Magsaysay, upang matugunan ang mga pangagailangan ng mga barangay.

Pangunahing tungkulin nito ang magpatupad ng mga programa at proyektong direktang nakatutulong sa mga mamamayan, na nakatutok sa nutrisyon, kabataan, palakasan, pangkabuhayan, kooperatiba at operasyong pangkalamidad. Sa kasalukuyan, ang ilan sa mga nabanggit na gawain ng PACD ay naisalin na sa ibang mga tanggapan.

Ikinagalak ni Gov. Mandanas ang hindi matatawarang mga pagsisikap ng PACD sa pagpapatupad ng mga programa para sa komunidad.

Binigyang pagkilala rin ang mga natatanging retirees ng tanggapan, kabilang sina Elizabeth Binay, Cynthia Catapang, Lilia Cabiscuelas, Elenita Perez, Remedios Enriquez, Irene Valdez, Sergio Ilao Jr., at Modesta Pesigan, na tumanggap ng Certificate of Appreciation.

Inilunsad naman, kasabay ng kanilang anibersaryo, ang official website ng PACD (pacd.batangas.gov.ph), na naglalayong magsilbing daan upang maipakita at mapadali ang pagpapahayag sa publiko ng kanilang mga proyekto at aktibidad. – Marinela Jade Maneja, Batangas Capitol PIO

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry

Comments are closed.