Housing Infrastructure Projects, Prayoridad ng Batangas Capitol

Pailaw sa Taal, Kanselado Ngayong Taon
November 28, 2020
Pagpapahinga sa Pangingisda ng mga Look sa Lalawigan ng Batangas, Muling Ipatutupad
November 29, 2020

November 29, 2020

Bibigyan ng prayoridad ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas ang housing infrastructure projects, na nakahanay sa pagtugon ng lalawigan sa nagaganap na COVID-19 global pandemic.

Sa pagsasaad ng nasabing plano sa harap ng mga kasapi ng Batangas Inter-Agency Task Force against COVID-19, nagbigay ng direktiba si Governor DoDo Mandanas na pabilisin ang project merging na mag-uugnay sa mga proyektong pabahay sa ginagawang COVID-19 prevention efforts ng Batangas.

Ayon kay Gov. Mandanas, ang matatapos na mga housing units ay maaaring gawing karagdagang temporary isolation facilities para sa mga asymptomatic COVID-19 positive individuals sa buong lalawigan.

Ang mga housing units na ito ay isasagawang kumpleto sa kagamitan at hygiene facilities, upang maging handa umanong tumanggap ng mga pasyente, habang wala pa umuupa o nagmamay-ari ng mga pabahay.

Sa ganitong paraan, maaaring magamit ng pamahalaang panlalawigan ang mga pondong nakalaan sana sa pagbabayad ng renta ng mga hotel na ginamit bilang isolation facility sa iba pang health programs.

Sa isang maikling pag-uulat ng Batangas Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office, nasa 1,827 na mga indibidwal na ang kanilang nabigyang pangangalaga sa ilalim ng OPLAN Kalinga, kung saan ang mga asymptomatic patients ay direktang dinadala sa mga kinikilalang isolations centers sa buong lalawigan.

Dagdag pa ng Batangas governor, nakatulong sa pagbaba ng bilang ng kaso ng COVID-19 sa lalawigan ang pagbabawal sa home quarantine, at ang pagpayag ng mga indibidwal na madala sa mga isolation facilities dahil alam ng mga itong maayos, malinis at maaliwalas ang paglilipatan sa kanila.

Patuloy pa rin na pinapaalalahanan ng pamunuan ng Batangas IATF ang publiko na sumunod sa itinakdang health guidelines, partikular ang hugas kamay, iwas o social distancing at palaging pagsusuot ng face mask sa mga pampublikong lugar.

Edwin V. Zabarte – Batangas PIO Capitol

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry

Comments are closed.