Gov. DoDo: Quick response, rehab plans tutukan

Mobile hospitals para sa Taal Volcano evacuees binuksan ng DOH sa Sto. Tomas, Balayan
January 18, 2020
National Disaster Agencies suportado ang epektibong relief and disaster operations sa Batangas
January 19, 2020

January 19, 2020

Ipinaalala muli ni Gov. DoDo Mandanas ang pangangailangan para sa mabilisang aksyon, pagtugon at pagbalangkas ng mga konkretong planong pangrehabilitasyon ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, isang linggo matapos ang biglaang pagputok ng Bulkang Taal.

Sa departmental meeting na pinangunahan ng Batangas governor noong ika-18 ng Enero 2020 sa Operation Center ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office sa Bolbok, Lungsod ng Batangas, binigyang-diin nito ang mga tungkulin ng bawat tanggapan ng Kapitolyo.

Kabilang dito ang pagpapaalala sa Provincial Social Welfare and Development Office na paigtingin pa ang pakikipag-ugnayan sa DSWD para sa mabilisang pagtugon at pagdaloy ng ayuda sa mga evacuees, isaayos ang sistema ng pagtanggap at pamamahagi ng donations, at pagdadagdag ng manpower upang mas maging maayos ang operasyon sa mga evacuation centers.

Inatasan naman ang Provincial School Board na magkaroon ng koordinasyon sa Department of Education para sa paglalagay ng mga tents sa mga paaralang ginagamit na evacuation centers. Sinabi ni Gov. Mandanas na ang mga tents ang magsisilbing pansamantalang tigilan ng mga evacuees upang magamit ng mga mag-aaral ang mga silid-aralan tuwing araw, kapag ibinaba na ang alert level sa kasalukuyan ng Phivolcs. Rekomandasyon din ni Gov. DoDo na payagang mag-“sit in” ang mga student evacuees sa mga paaralan kung saan sila kasalukuyang nakatigil upang hindi maantala ang kanilang pag-aaral.

Ang Provincial Health Office naman ay binilinan kaugnay ng paglalagay ng mobile hospitals at medical units, katuwang ang Department of Health, Philippine Red Cross, at iba pang medical organizations.

Ang Provincial Engineering Office ay pinatututukan sa road clearing at rehabilitation, distribusyon ng semento at yero sa mga nasiraan ng bahay, at pagpapatupad ng mga housing projects sa iba’t ibang bayan ng lalawigan.

Livelihood assistance naman ang kaniyang itinagubilin sa Provincial Cooperative Livelihood and Enterprise Development Office, at ang pagbalangkas ng konkretong rehabilitation plan sa Provincial Planning and Development Office.

Batangas Capitol PIO

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry

Comments are closed.