Gov. DoDo: Magpabakuna, Sundin pa rin ang Minimum Public Health Standards

Pagpapalakas sa mga Programang Halina Ika’y Magtanim at Plant,Plant,Plant Isinasagawa ng OPAg
July 3, 2021
OCD: “All the Way” ang Suporta ng National Government sa Evacuation, Relief Efforts sa Batangas
July 3, 2021

July 3, 2021

Muling binigyang-diin ni Governor DoDo Mandanas na huwag maging kampante sa patuloy na pagharap sa New Normal kahit pa tuloy-tuloy ang ginagawang vaccination efforts ng iba’t-ibang lokal na pamahalaan sa Lalawigan ng Batangas.

Sa isinagawang Joint Meeting noong ika-29 ng Hunyo 2021 ng Provincial Inter-Agency Task Force at Provincial Health Board, na pawang pinangungunahan ni Gov. Mandanas bilang Chairperson, ipinunto ng gobernador na ang pagbabakuna ay isang mahalagang paraan upang mabigyang proteksyon ang sarili sa pagkakaroon ng malubhang epekto ng COVID-19.

Ngunit kasabay aniya ng paghihikayat sa publiko na magpabakuna, kinakailangan ding maipabatid sa lahat na huwag kalimutan ang pagsunod sa mga itinakdang minimum public health standards sapagkat ito ay nananatiling pangunahin pa ring panlaban sa naturang sakit.

Ayon sa Department of Health, pinipigilan ng bakuna ang malalang kaso ng COVID-19, na nagdudulot ng pagka-ospital at pagkamatay subalit maaari pa rin mahawa at makahawa.

Kaugnay nito, ayon kay Gov. Mandanas, mas mabibigyan ng karagdagang proteksyon ang sarili at pamilya kung ipagpapatuloy ang H.I.M Behaviors o ang Hugas, Iwas, Mask campaign ng pamahalaang panlalawigan.

Nakapaloob dito ang mga tagubilin, kagaya ng paghugas o pag-sanitize ng mga kamay, pagsusuot ng face mask at face shield, pagpapanatili ng dalawang-metro na distansya sa ibang tao, pag-iwas sa matataong lugar, at pagtiyak na may magandang daloy ng hangin sa bahay o lugar ng trabaho.

Bukod dito, ipinaalala pa rin ng gobernador na manatili sa bahay ang mga may karamdaman, mahihina ang pangangatawan, mga buntis, mga edad labing-walong anyos pababa at maging ang mga edad animnapu’t limang taong gulang pataas.

Kasabay nito ay ang pagpapalakas ng resistensya kung saan ang isang indibidwal ay kinakailangang may sapat na nutrisyon, regular na pag-eehersisyo, at wastong haba ng tulog.

Sa ginanap na joint meeting, tiniyak rin ng punong-lalawigan ang pagpapalakas pa ang information dissemination sa nasabing paksa hanggang sa barangay level.

Samantala, sa pagbabakuna ng lalawigan ng 1st at 2nd dose sa mga indibidwal na nasa ilalim ng A1 (HCWs), A2 (senior citizens), A3 (people with comorbidities), at A4 (essential workers), ipinagbigay-alam din ni Governor Mandanas na mahalagang kumpletuhin ang ikalawang dose ng COVID-19 vaccine para sa kumpletong proteksyon ng bakuna.

Ipinaalala rin nito na ang full-effect ng bakuna ay makukuha lamang makalipas ang tatlo hanggang apat na linggo matapos mabakunahan o matanggap ang ikalawang dose ng bakuna.

Mark Jonathan M. Macaraig – Batangas Capitol PIO

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry
1

Comments are closed.