Fire Prevention, Ipinaaalala Lalo Ngayong Summer Months

11 Barangay sa Batangas Province, Kabilang sa Idineklarang Leftist Insurgents-free
March 13, 2021
Procurement Monitoring Report (July to December 2020)
March 15, 2021

March 13, 2021

Kaugnay ng pagiging Fire Prevention Month ng buwan ng Marso, na may temang “Sa pag-iwas sa sunog, hindi ka nag-iisa,” naging panauhin ng B’yaheng Kapitolyo, ang opisyal na programang pang-radyo ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, si Supt. Arvin Rex Agustin Afalla, Provincial Fire Director ng Bureau of Fire Protection (BFP) Batangas noong ika-9 ng Marso 2021.

Minarapat ng programa na mabigyan ng pagpupugay ang mga bombero ng Lalawigan ng Batangas sa pamamagitan ng pagbibigay sa mga ito ng pagkakataong maibahagi ang kanilang mga programa at proyekto.

Ilan sa mga aktibidad ng BFP na nabanggit ni Afalla ay ang ground breaking ceremony sa Bayan ng San Luis para sa pagtatayo ng San Luis Fire Station, na dinaluhan ni BFP Regional Director, Chief Superintendent Jaime D. Ramirez, at mga opisyal ng pamahalaang lokal noong araw March 9, 2021.

Nakapagbigay na rin aniya siya ng direktiba sa BFP sa mga lungsod at munisipyo sa lalawigan na lalo pang pag-ibayuhin at paigtingin ang koordinasyon para sa mga emergency situations. Partikular dito, dagdag ng BFP provincial director, ang paalala sa mga kasamahang bomber sa mga bayan sa palibot ng Lawa ng Taal na maging alerto lalo na ngayong nasa alert level 2 na ang Bulkang Taal.

Kaagapay din ang BFP sa paghahatid ng bakuna mula Metro Manila hanggang sa lalawigan, kabilang ang pakikibahagi sa isinagawang simulation exercises noong March 5 at 7, 2021, kasama ang Philippine National Police Batangas sa pagsundo ng mga bakuna mula Quezon City papunta sa Lalawigan ng Batangas.

Ipinaalala rin ni Afalla na ang mga buwan ng Marso at Abril ang pinakamaiinit na mga buwan kaya pinag-iingat ang lahat sa sunog, na kadalasang dulot ng electrical short circuit sa mga kuwarto ng bahay at open flame tulad ng kerosene lamps sa kusina.

Sa kanyang mensahe, nagpapasalamat siya na wala pang naiuulat na sunog sa buwan ng Marso. Inimbitahan din niya ang mga kababayan na bisitahin ang BFP road show sa SM City Lipa, kung saan ipinakikita ang iba’t ibang mga fire fighting equipment.

Grace Briones – Batangas Capitol PIO

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry

Comments are closed.