May 15, 2017
Ilang pamilyang naapektuhan ng mga lindol noong ika-4 at 8 ng Abril 2017 ang nakatanggap ng financial assistance mula sa Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas sa pamamagitan ng Provincial Social Welfare and Development Office noong ika-15 ng Mayo 2017 sa Provincial Auditorium, Capitol Site, Batangas City.
Kabilang sa mga nabigyan ng tulong pinansyal ay ang 55 pamilyang taga-Bauan na may-ari ng totally damaged houses ang tumanggap ng PhP 10,000 bawat isa samantalang 210 pamilya naman na may partially damaged houses ang tumanggap ng PhP 2,000 bawat isa.
Dagdag pa dito, bumisita sa San Luis noong ika-16 ng Mayo ang mga kawani ng PSWDO para personal na ihatid sa mga residente doon ang tulong pinansyal para sa 11 na pamilyang may totally damaged house at 195 na pamilyang may partially damaged house.
Binigyang batid ni 2nd District Board Member Arlene Magboo na bagaman hindi kasama ang bayan ng Bauan at San Luis sa mga nagdeklara ng state of calamity ay patuloy ang pagtulong ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas sa pamumuno ni Governor Hermilando I. Mandanas sa mga direktang naapektuhan ng mga lindol.
Dumalo din sa distribution ng financial assistance si Provincial Disaster Risk Reduction Management head Lito Castro para dagdagan ang kaalaman ng mga mamamayang Batangueño ukol sa lindol at kung paano ang gagawin sa oras ng malakas na pagtama nito.
Kristina Marie Joy B. Andal– Batangas PIO Capitol