April 25, 2017
Ginanap ang Verde Island Passage Marine Key Biodiversity Summit sa Batangas Country Club, Batangas City noong April 25, 2017 upang iulat at ipakita ang mga accomplishments ng limang taong marine biodiversity conservation project sa Balayan Bay.
Nagsama-sama sa pagtitipon ang stakeholders, managers at local partners, sa pangunguna ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, ng Ecosystems Improved for Sustainable Fisheries o ECOFISH Project, na ipinatupad ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ng Department of Agriculture at ng United States Agency for International Development (USAID).
Naging highlight ng mga reports ang tatlong beses sa loob ng nakaraang limang taong pagpapatupad ng Seasonal Closure ng Balayan Bay mula sa pangigisda. Naisakatuparan ito sa pakikiisa ng mga bayan ng Bauan, Balayan, Calaca, Calatagan, Lemery, Mabini, San Luis, Taal at Tingloy. Dahil dito, tinatayang tumaas ng mahigit 6% ang fish biomass sa lugar, particular ng mga isang galunggong at matambaka, mga klase ng isda na mahalaga sa ecosystem ng Balayan Bay.
“Ang seasonal closure ay isa sa mga success stories ng ECOFISH sa Balayan Bay,” ayon kay Department of Environment and Natural Resources (DENR) Undersecretary Ipat Luna, na isang environment advocate at matagal nang ka-partner ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas sa iba’t ibang proyekto upang mapangalagaan ang mga karagatan ng Batangas at Taal Volcano Protected Landscape. Dagdag pa niya, “Kung hindi naisakatuparan ang mga programa para mapangalagaan ang ga karagatan ng Batangas 10 years ago, baka halos wala nang makukuhang isda dito ngayon.”
Samantala, sinabi ni Batangas Governor Dodo Mandanas na mahalagang bahagi ang taunang 22 araw na pagbabawal ng commercial fishing sa pamamahala ng Balayan Bay. Ipinapakita rin nito ang kooperasyon at pagtutulungan ng 11 coastal municipalities na susi sa tagumpay ng pangangalaga sa karagatan ng lalawigan.
Binigyang-diin ni Governor Mandanas ang kahalagahan ng pagbabalanse sa pangangalaga ng kalikasan at mga gawaing pangkabuhayan. Kaisa, aniya, ang pamahalaang panlalawigan sa mga proyekto para sa conservation ng ating likas na yaman, lalo na sa Verde Island Passage Marine Sanctuary. Subalit dapat kaakibat din ng ganitong efforts ang mga pagsasaayos ng mga alternatibong livelihood sa mga Batanguenong direktang apektado, kagaya ng lalong pagpapalakas ng turismo.
Ang seasonal closure sa Batangas ang kauna-unahang inter-LGU initiative sa bansa na unang isinagawa noong Disyembre 2014. Isasagawa ang sinasabing pagpapahinga ng Look ng Balayan hanggang 2020. 9 sa 11 local government units sa baybaying dagat ay nagpasa ng mga kaukulang ordinansa at resolusyon patungkol dito, na sinusugan pa ng Sangguniang Panlalawigan ng Batangas Resolution no. 377, na ipinasa noong Disyembre 2015 na sumusuporta sa nasabing Closed Season sa Balayan Bay. Vince Altar – Batangas Capitol PIO