DSWD, Batangas Capitol Nagkasundo para sa Pagtatayo ng Regional Warehouse

Request for Quotation – PURCHASE OF DRUGS AND MEDICINES (D5 LRS 1 LITER, PNSS 1 LITER) FOR USE OF PATIENTS CONFINED AT BATANGAS PROVINCE COVID FACILITIES
July 10, 2021
Evacuees mula Agoncillo, Nagpositbo sa COVID-19
July 13, 2021

July 12, 2021

Pormal na lumagda sa isang Memorandum of Agreement (MOA) ang Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas at Department of Social Welfare and Development (DSWD) noong ika-12 ng Hulyo 2021 para sa utilisasyon ng mahigit 5,356 square meters na lupain ng pamahalaang panlalawigan sa Barangay Malainin, Ibaan, kung saan magpapatayo ang DSWD ng kanilang Regional Warehouse Facility.

Ang paglagda ng mga partido sa 25-year Usufruct Agreement ay pinangunahan nina Secretary Rolando Joselito Bautista at CALABARZON Regional Director Marcelo Nicomedes Castillo para DSWD, habang kumatawan sa pamahalaang panlalawigan sina Governor Hermilando “DoDo” Mandanas at Provincial Social Welfare And Development Officer Jocelyn Montalbo.

Nakapaloob sa nasabing MOA na pinahihintulutan ng pamahalaang panlalawigan, bilang pagsuporta at pakikiisa sa programa ng DSWD, ang pansamantalang paggamit ng nasabing lote nito upang maitayo ang isang Regional Warehouse dito.

Sa oras na maipatayo, ang Regional Warehouse ay pag-iimbakan ng mga mahahalagang kagamitan at essential supplies ng DSWD na tinaguriang “vital in relief and response operations sa buong CALABARZON Region.”

Ipinaabot ni Sec. Bautista ang kanyang taos-pusong pasasalamat sa mga opisyal ng Kapitolyo, na pinangungunahan ni Governor Mandanas, ganun din sa Pamahalaang Bayan ng Ibaan, na pinamumununan ni Mayor Joy Salvame, para sa pagkakabuo ng kasunduan.

Malaki umanong tulong ito para sa kanilang kagawaran para magkaroon ng nakahandang pasilidad sa CALABARZON, na maaaring gawing sentro sa mabilisang pagganap ng kanilang mandato, sa mga oras ng kalamidad sa Timog Katagalugan.

Ang kasunduang ito aniya ay nagpapakita na sa sama-samang puwersa ng nasyunal at lokal na mga pamahalaan ay makakayanang tugunan ang mga hamon ng anumang kalamidad.

Sa mensahe naman ni Governor Mandanas, isa umanong karangalan at pribilehiyo ang pakikipagtulungan ng lalawigan sa pamahalaang nasyunal at mga kabalikat na ahensya nito, lalo na kung pag-uusapan ay ang pagpapaabot ng tulong at proyekto sa mga kababayang apektado ng mga kalamidad.

Ang kasunduan ay napagkasunduang epektibong mula sa petsa ng pagkakalagda nito, na ika-12 ng Hulyo 2021, at maaari pang humaba sang-ayon sa bukas na usapan ng dalawang nagkasundong partido.

Edwin V. Zabarte – Batangas Capitol PIO

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry

Comments are closed.