Docu film na “A Plastic Ocean”, nag-special screening sa Lungsod ng Batangas

Inaugural Session ng Sangguniang Panlalawigan ng Batangas, idinaos
July 1, 2019
2019 Mid-Term Program Assessment, Joint Council Meeting, isinagawa sa Batangas Capitol
July 3, 2019

July 1, 2019

Bilang bahagi ng pakikiisa sa selebrasyon ng World Oceans Month, na ipinagdiriwang tuwing buwan ng Hunyo, ang United States Embassy, katuwang ang SM Cares, SM Cinema, American Film Showcase, at Film Development Council of the Philippines, ay nagdaos ng isang special screening ng documentary film na “A Plastic Ocean” noong ika-28 ng Hunyo 2019 sa SM City Batangas.

Ang nasabing pelikula ay bahagi ng SM Care’s Green Film Festival, na muling nailunsad ngayong taon sa bansa bilang isang serye ng libreng pagpapalabas ng mga pang-edukasyong pelikula at dokumentaryo na tumatalakay sa usapin ng climate change, kasalukuyang estado ng kalikasan, at disaster risk reduction.

Dumalo sa screening ang ilang mga piling mag-aaral at guro mula sa iba’t-ibang paaralan sa Lalawigan ng Batangas, mga kasaping Non-Government Organizations (NGOs), at Local Government Units (LGUs), kabilang ang ilang mga kawani ng Batangas Provincial Tourism and Cultural Affairs Office, Provincial Government – Environment and Natural Resources Office, at Provincial Information Office.

Tampok sa documentary film ang nakababahala at negatibong epekto ng plastic consumption sa buong mundo, partikular sa mga karagatan at marine animals. Ipinakita ng naturang pelikula kung paano naaapektuhan ng plastic ang food chain, mula sa mga isda patungo sa pagkonsumo ng mga tao na nagiging sanhi ng pag-usbong ng mga bagong human health-related problems.

Nakaagaw-pansin sa mga manonood ang pagkamatay ng mga hayop, gaya ng seabirds, na naninirahan malapit sa mga dalampasigan at ang pinagkukunan ng pagkain ay mula sa karagatan, dahil sa nakakakain ng plastik. Dito ay matapang na ipinakita sa pelikula, batay sa isinagawang pagsusuri, ang daan-daang piraso ng plastik na makikita sa loob ng tiyan ng mga patay na hayop.

Tinalakay din sa “A Plastic Ocean” ang epekto ng plastic, mula sa mga packaging ng pagkain at paglanghap ng usok mula sa sinusunog na plastik.

Sa huling bahagi ng pelikula, binigyang-diin ang kahalagahan ng recycling, gaya ng makabagong pamamaraan na tinatawag na Pyrolysis Process, kung saan ang plastic waste ay maaaring maisalin o ma-convert bilang isang pinagkukunan ng enerhiya.

Samantala, nagkaroon din ng isang discussion o open forum na pinangunahan nina U.S. Embassy Cultural Affairs Specialist Florabel Aureus at U.S. Embassy Environment Expert Marian Cruz Navata, na naging tulay para magkaroon ng pagbabahagi ng iba pang awareness at kahalagahan ng environmental activism. – Mark Jonathan M. Macaraig, Batangas Capitol PIO

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry

Comments are closed.