COVID-19 National Task Force, Bumista sa Lalawigan ng Batangas

Hakbang para sa Pagpapabilis ng Akreditasyon ng mga Medical Facilities, Isinusulong ni Gov. Mandanas
September 24, 2020
SUPPLEMENTAL BID NO. 5 – Supply and delivery of 1,000 units rescue vehicles for use of various barangays and municipalities of the Province of Batangas under its Capability Building Program
September 25, 2020

September 24, 2020

Home Quarantine, Nakitang Sanhi sa Mabilis na Pagtaas ng Bilang ng mga Kumpirmadong Kaso sa Probinsya

Pormal na tinanggap ni Gov. DoDo Mandanas ang mga kinatawan ng Coordinated Operations to Defeat Epidemic (CODE) Team, kabilang ang mga opisyal ng National Task Force Against COVID-19 (NTF) at Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID), sa Lalawigan ng Batangas na bumisita noong ika-23 ng Setyembre 2020 upang talakayin ang sitwasyon ng COVID-19 virus dito kasama ang mga regional at provincial members ng IATF. Pinangunahan ang team visit nina NTF Chief Implementer, Sec. Carlito Galvez, Jr. at Deputy Chief Implementer, Sec. Vince Dizon (inset photos).

Personal na bumisita ang Coordinated Operations to Defeat Epidemic (CODE) Team, sa pamumuno ng mga opisyal ng National Task Force Against COVID-19 (NTF) at Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID), sa Lalawigan ng Batangas upang talakayin ang response efforts ng probinsya sa harap ng mabilis na pagtaas ng bilang ng mga kaso ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19), at para na rin magbahagi ng mga istratehiya o hakbangin na tutugon sa prevention, control, at mitigation ng pagkalat ng sakit.

Ang naturang pagpupulong, na isinagawa sa pamamagitan ng video and audio conferencing, ay ginanap noong ika-23 ng Setyembre 2020 sa Disaster Risk Evaluation Alleviation Mitigation (DREAM) Zone, Capitol Compound sa Lungsod ng Batangas kaisa ang mga Local Chief Executives ng iba’t-ibang bayan at lungsod sa lalawigan, sa pangunguna ni Governor DoDo Mandanas, ang Provincial IATF-EID Chairperson.

“Batangas is one with the highest cases in Luzon as of now. Kaya kami ay narito ngayon upang tumulong…to address the gaps and challenges upang maibaba ang mga kaso sa inyong lugar”.

Ito ang binigyang-diin ni NTF Chief Implementer Carlito G. Galvez, Jr., kung saan naging sentro ng kaniyang mensahe ang mataas na porsyento ng mga naka-home quarantine, na itinuturing na pangunahing sanhi sa naging mabilis na pagtaas ng mga kumpirmadong COVID-19 cases sa Batangas.

Batay sa kaniyang pag-uulat, 77.1% o may katumbas na 2,004 na pasyente sa kabuuang 2,612 na aktibong kaso ay nasa estado ng home quarantine o iyong mga nagpapagaling sa kani-kanilang mga tahanan. “Ito ang isang isyu na kailangan nating pagtulungang lutasin”, ani Galvez.

Ibinahagi niya na naging daan sa pagbaba ng mga naitatalang kumpirmadong kaso ang implementasyon ng No Home Quarantine Policy sa ibang mga lugar tulad ng Navotas City, at mga probinsya ng Cebu at Laguna. Ang mga lugar na ito ay nakitaan din ng spike o mabilis na pagtaas ng kaso ng COVID-19 dahil sa pagkonsidera sa home quarantine procedures.

Sa ginawang pagbubukod o isolation sa mga positibong kaso, nagkaroon ito ng signipikong pagbabago sa naitatalang datos kung saan unti-unti nang nabawasan ang confirmed cases kada araw at bumaba rin ang bahagdan ng bilang ng mga namamatay. Dagdag pa ng kalihim, sa ganitong interbensyon, naipapaganap nang maayos ang mga itinakdang health protocols nang sa gayon ay hindi na makahawa pa sa kanilang mga kasama sa bahay o sa mga kamag-anak.

Ayon pa kay Galvez, tuluyan na sanang maiwasan ang home quarantine dahil kung hindi rin maibubukod ang mga kumpirmadong kaso, mawawalan aniya ng bisa ang aggressive test at aggressive contact tracing.

Sa rekomendasyong ito at sa pagtupad sa nasabing hakbang, isang hamon naman aniya na haharapin ay ang lugar kung saan dadalhin ang lahat ng bilang ng aktibong kaso. Kaugnay nito, ang mga Local Government Units (LGUs) ay kailangan magkaroon ng naaayong pasilidad o isolation facilities at gagamitin na rin ang mga hotels at resorts para sa pagtutok sa mga mild at asymptomatic patients.

“We will maximize our available resources, our tourism facilities. This is an advantage of Batangas because we have a numerous accommodations. With this, we can isolate them in a properly managed facility. ‘Yung mas kritikal, sa temporary treatment facilities, like sa Ibaan”, pahayag ni Vice Governor Mark Leviste sa kaniyang pag-sangayon sa inilatag na plano ni Secretary Galvez.

Tiniyak naman ng kalihim, na tutulong ang NTF dahilan para i-extend na ang mga programang One Hospital Command at Oplan Kalinga sa layuning mas maging konektado ang pagtugon sa mga pangangailangan. Sa pamamagitan nito, mapapalakas at mapapadali aniya ang koordinasyon ng mga ospital na nasa probinsya.

Samantala, naging bahagi rin ng CODE meeting, ang presentasyon nina Dr. Gerald Alday, Incident Commander ng Provincial IATF, na iniulat ang COVID-19 Provincial Situationer, Dr. Rosvilinda Ozaeta, Provincial Health Officer at Vice Chairperson ng Provincial IATF, para sa Prevent-Detect-Isolate-Treatment-Reintegration (PDITR) Strategy Intervention at response efforts na isinasagawa ng Pamahalaang Panlalawigan, at Provincial Disaster Risk Reduction and Management Officer (PDRRMO) Joselito Castro na nagbahagi patungkol sa Local DRRM funds ng lalawigan.

Kabilang din sa naging paksa sa pagpupulong ang implementasyon ng Operation LISTO protocols sa Batangas, na advocacy program ng Department of the Interior and Local Government (DILG), maikling presentasyon patungkol sa Operational Framework of COVID-19 Response in Workplaces, NTF-led Aggressive Testing, at Oplan Kalinga.

Ipinaabot naman ni Secretary Carlito Galvez, na nagpadala ng tulong ang National Task Force laan para sa probinsya ng batangas kabilang ang 4,000 Personal Protective Equipment (PPE), 2,000 face masks, at 1,700 GeneXpert test kits.
Sa naging mensahe ni Governor DoDo Mandanas, lubos ang kaniyang naging pasasalamat sa CODE Team, sa pangunguna ng NTF at IATF, at sa Pamahalaang Nasyunal dahil sa pagkakataong ibinigay nito na matulungan ang lalawigan na maiparating at masusing matutukan ang mga isyu at problema sa pagtugon sa pandemya.

Ipinarating din ng gobernador na lahat ng tanggapan ng Kapitolyo ay nagkakaisa, tuloy-tuloy ang pagsisikap na maitaas ang antas ng pagtulong, sa aspeto ng kalusugan, edukasyon, at hanapbuhay. Lahat ng ito aniya ay simbolo sa tunay na pagkalinga sa buhay at kaligtasan ng mga batangueño.

“Maasahan na tayo ay nagkakaisa, maasahan na tayo ay tunay na naglilingkod sa isang malinis, matapat, masipag, at magiting na pamamaraan”, pagbibigay-diin ni Governor Mandanas.

Bukod kay NTF Chief Implementer Carlito G. Galvez, Jr., naging parte rin ng CODE Team visit sina NTF Deputy Chief Implementer at tumatayong Chief Testing Czar Secretary Vivencio “Vince” Dizon, Department of Health (DOH) Assistant Secretary – Field Implementation and Coordination Team for Luzon Dr. Maria Francia M. Laxamana, DOH Director for Health Emergency Management Bureau Dr. Gloria Balboa, DILG representative Mr. Robert Lim, Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) NTF Chief of Staff Michael Salalima, at mga opisyal ng iba’t-ibang mga ahensya ng gobyerno sa regional at provincial level.

Mark Jonathan M. Macaraig / Photo: Karl Ambida – Batangas Capitol PIO

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry

Comments are closed.