Contingency planning para sa mga bagyo, binalangkas para sa Batangas Province

Scientific, Tech/Voc Equipment para sa Junior at Senior HS, ipinamahagi ng Kapitolyo
July 31, 2019
Batangueño PWDs, dumalo sa DOH Summit
August 1, 2019

August 1, 2019

Isang komprehensibong plano, na tutugon sa ano mang pinsala o trahedya na maaaring idulot ng isang malakas na bagyo sa Lalawigan ng Batangas, ang magkakabalikat na binalangkas ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaang nasyunal, Local Government Units, at Non-Government Organizations (NGOs).

Ito ay isinagawa sa “Contingency Planning Formulation Workshop for Hydrometeorological Hazard,” na pinangunahan ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO), sa Pontefino Hotel, Gulod Labac, Batangas City noong July 30-31 2019. Naging kasabay ito ng pagtatapos ng Disaster Resilience Awareness Month, na may temang “Kahandaan sa Sakuna’t Peligro Para saTunay na Pagbabago.”

Ito ang pinakahuling contingency planning formulation para sa Lalawigan ng Batangas, kung saan nauna nang nailatag, sa pangunguna rin ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, ang mga contingency plans kung sakaling magkaroon ng tsunami, lindol at pagputok ng Bulkang Taal.

Nagsilbing resource speaker sa dalawang araw na workshop sina Ginoong Alex C. Masiglat, Environmental Planner ng Office of Civil Defense, Region IV-A, at Bernadette Lucillo, Chief Meteorologist ng PAGASA.

Ayon kay Atty. Kimberly Diane Garcia, Local Disaster Risk Reduction Management Officer II, layunin ng ganitong gawain na makabuo ng konkretong planong aagapay sa mga pamahalaang lokal upang makagawa ng mga angkop na aksyon para matulungan ang mga mamamayang Batangueño, na maaaring maapektuhan ng isang malakas na bagyo.

Dagdag pa niya, nakasaad sa Section 12 ng Republic Act 10121 o Philippine Disaster Reduction and Management Act, na mandato ng PDRRMO ang pangasiwaan ang pormulasyon ng contingency plannings para sa mga kalamidad na posibleng tumama sa lalawigan. Kaakibat din ang pagbuo ng mga nasabing mga istratehiya at pamamaraan sa pagsusulong ng pamahalaang panlalawigan, sa pangunguna ni Gov. Dodo Mandanas, na lalong mapatibay at mapalakas ang kakayanan ng lahat ng LGUs sa Batangas na harapin ang iba’t-ibang natural disasters.

Sa datos ng PDRRMO, ang Super Typhoon Glenda, noong July 2014, ang isa sa mga pinakamalakas na bagyong nakapagdulot ng malaking pinsala sa Batangas kung saan naitala ang 17 casualties at halos ₱5 Bilyon pinsala sa imprastraktura, pananim at livestocks. Jun Magnaye – Batangas Capitol PIO

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry

Comments are closed.