Cash Donations para sa mga Naapektuhan ng Bulkang Taal, Umabot na sa Mahigit ₱39M

Pagpapalakas ng Turismo, Planong Pangkabuhayan Isinusulong ng Kapitolyo Pagkatapos ng Pagputok ng Bulkang Taal
February 12, 2020
Shelter Assistance Sinimulan nang Ipamahagi ng Batangas Capitol
February 18, 2020

February 13, 2020

Pamahalaang Panlalawigan Tinitiyak ang Tamang pagtatala sa mga Natanggap na Tulong

Kabilang ang Pamahalaang Panlalawigan ng Pampanga at Rotary Club of Makati South sa mga ahensya ng pamahalaan, pribadong grupo at indibidwal na nagpaabot ng tulong para sa mga pamilyang naapektuhan ng pagputok ng Bulkang Taal, na ayon sa Batangas Provincial Treasurer’s Office ay umabot na sa mahigit ₱39 Milyon na cash donations. Batangas Capitol PIO

Sa huling datos na inilabas ng Batangas Provincial Treasurer’s Office, mula ika-15 ng Enero hanggang ika-13 ng Pebrero 2020, mahigit sa ₱39 Milyon na cash donations na ang natanggap ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas para sa mga pamilya at indibwidwal na naapektuhan ng pagputok ng Bulkang Taal.

Sa naging pahayag ni Gng. Fortunata Lat, Punong Ingat-Yaman ng lalawigan, iniulat nito na ang mga natatanggap na cash at check donations ay may kaukulang resibo o acknowledgement receipts para sa maayos na pagtatala ng mga ito.

Dagdag pa rito, idinideposito ito sa isang trust fund sa government depository bank ng pamahalaang panlalawigan. Hindi aniya kabilang sa naitatala o sa inilalabas na opisyal na talaan ang mga direktang ibinibigay na tulong ng mga donors sa mga munisipyo at lungsod.

Bilang tugon naman sa mga ilang mga katanungan sa social media, kaugnay sa mga hatid na tulong na naunang ipinagpasalamat ng probinsya, ipinaliwanag ni Provincial Information Officer Katrin Erika Buted, sa isang panayam sa B’yaheng Kapitolyo, ang opisyal na programang pang-radyo ng Pamahalaang Panlalawigan, na ang ilang mga ayudang pinansyal, bukod sa direktang pag-aabot sa bawat bayan at lungsod, ay idinaan din ng ibang donors sa mga ahensya o pribadong samahan at hindi mismo dumaan sa Kapitolyo.

Ayon pa sa kaniya, ilan sa mga donasyon ay pawang ceremonial pa lamang o pangakong tulong o pledge.

Ang bawat cash at check donations umano, bago opisyal na magamit, ay dadaan sa kaukulang accounting procedures.

Samantala, tinitiyak naman ng pamahalaang panlalawigan, sa pangunguna ni Governor DoDo Mandanas, na ang mga tulong na ito ay ilalaan sa mga kababayang Batangueño evacuees, partikular sa mga pangmatagalang programa na higit na makakatulong sa muling pagbangon ng lalawigan.

Tuloy-tuloy pa rin ang pagbibigay ng mga pagkain, tubig, gamot, at iba pang mga basic personal necessities sa lahat ng mga evacuation centers sa labas ng Danger Zone. Sa oras naman na ibaba sa Alert Level 2 ang Bulkang Taal, nakatakdang ipamahagi rin ang cash for repairs at livelihood upang matulungan ang mga mamamayan sa kanilang muling pagsisimula.

Bukod pa dito ang ikinakasang livelihood program ng probinsya na Ash for Cash kung saan mapapakinabangan ang volcanic ash na maaaring gawing mga hollow blocks, bricks at fertilizer. Dito ay magiging kaagapay ang mga kooperatiba at ang magagawang produkto ay ibebenta sa mga construction companies sa tulong ng Kapitolyo, o kaya’y bibilhin ng Kapitolyo para sa mga construction projects nito.

Sa kasalukuyan, nanatiling nasa Alert Level 3 pa rin ang bulkan at nangangahulugan na may posibilidad pa rin na ito ay pumutok kaya’t ipinapaala pa rin na huwag manatili sa 14-kilometer danger zone at sa mga lockdown areas sa Permanent Danger Zone.

Batangas PIO, Photos: Eric Arellano

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry
1

Comments are closed.