Bokal Bart Blanco, Kinilalang Tagapagsulong ng Agrikultura sa Batangas

3rd Quarter Culture and Arts Council Meeting, Idinaos
August 14, 2019
Dental Mission sa Alitagtag, Isinagawa
August 14, 2019

August 14, 2019

Binigyang pagkilala ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, sa pamamagitan ng Tanggapan ng Panlalawigang Agrikultor (OPA), si 5th District Board Member Arthur ‘Bart’ Blanco para sa kaniyang matagumpay na Dates Palm Production/Farm na maiituring na isang malaki at natatanging ambag sa pagpapaunlad ng sektor ng agrikultura sa lalawigan.

Ang nasabing pagkilala ay personal na iginawad ni Vice Governor Mark Leviste, kasama sina 5th District Senior Board Member Claudette Ambida-Alday at Provincial Agriculturist, Engr. Pablito Balantac, noong ika-14 ng Agosto 2019 sa Provincial Auditorium, Capitol Compound, Batangas City.

Sa naging talumpati ni Bokal Blanco, inilahad niya ang kaniyang pinagdaan bago makamit ang tagumpay sa larangan ng pagtatanim. Ayon sa Bokal, bata pa lamang ay kinakitaan na siya ng pagkahilig sa naturang gawain.

Hanggang sa dumating ang panahon, sa kaniyang pagbisita sa ibang mga bansa, pumukaw sa kaniyang atensyon ang puno ng dates, na kadalasan, aniya, ay makikita sa mga malalaking malls. Ito ang nagtulak sa kaniya umano para magsaliksik at magkaroon ng pagkakataong magtanim ng sariling mga binhi ng dates.

Taong 2008 nang magsimula si Bokal Blanco sa noon ay maliit pa lamang na taniman ng dates. Hindi naglaon, sa bunga na rin ng kaniyang pagsusumikap at kagustuhang mapalago ito, ngayon ay mayroon na itong nasa may mahigit kumulang na 11, 000 na puno ng dates sa 8 ektaryang taniman na matatagpuan sa Brgy. Kaingin, Bayan ng San Pascual at Brgy. Balete, Lungsod ng Batangas.

Buong galak din niyang ibinahagi, na sa buong Pilipinas, kinikilala ang kanyang taniman bilang kauna-unahan at pinakamalaking dates farm, na may 500 na mga punong namumunga.

Sa kabila ng natanggap na parangal at ambag niya sa pagpapaunlad ng agrikultura sa probinsya, binigyang-pansin naman ni Bokal Blanco ang tumatamlay ng sector, partikular na sa lungsod ng batangas. Ayon sa kaniya, nawawala na ang mga magsasaka at lumilipat na sa mga trabaho sa ibang industriya.

“No Farmers, No Food,” sambit ni Bokal Blanco, kasabay ng paghihikayat na panahon na para muling hikayatin ang mga Batangueño sa pagsasaka.

“Pagsasaka o agrikultura pa rin ang magdidikta ng ekonomiya ng isang komunidad, probinsya at ng buong bansa,” dagdag pa niya.

Sa huling bahagi ng kaniyang mensahe, hiningi niya ang tulong at suporta ng mga kapwa Board Members sa Sangguniang Panlalawigan upang mas mabigyang-pansin at makapaglaan pa ng karagdagang pondo para sa agrikultura na mas magtutulak sa pag-abot ng minimithang mayamang lalawigan.

Mark Jonathan M. Macaraig – Batangas Capitol PIO

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry

Comments are closed.