BM Blanco: Pagkasira ng Ilog Calumpang dapat nang Aksyunan

Calatagan Sea Weeds Coop, Tumanggap ng P3M mula sa PRDP, Batangas Capitol
September 12, 2018
Notice of Vacant Position
September 13, 2018

September 12, 2018

Mariing tinuligsa ni 5th District Board Member Arthur Blanco ang diumano’y patuloy na pagkasira ng kalikasan, partikular ang Ilog Calumpang sa Lungsod ng Batangas na ginagawa na nang daluyan ng dumi ng baboy.

Sa kanyang malayang oras ng pamamahayag sa Sangguniang Panlalawigan noong September 10,2018, binanggit ng bokal ang mga nakakarating sa kanyang reklamo kaugnay ng patuloy na pagpapadaloy ng dumi ng mga piggeries hindi lamang mula sa Brgy. Gulod at Brgy.Tingga ng Lungsod ng Batangas, kundi pati na rin ng mga barangay ng mga karatig-bayan ng San Jose, Ibaan at Rosario. Sinasabi pa raw na may mga nakakaabot pang dumi sa Calumpang na nagmula pa sa Lalawigan ng Quezon.

Lubos na umanong nakakabahala ang pagkasira ng Ilog Calumpang, na tatlong dekada lang ang nakalilipas ay isa sa ipinagmamalaki ng Batangas City sa taglay nitong kalinisan at kagandahan.

Binigyang-diin pa ni BM Blanco na may mga nakarating na sumbong sa kanya na hindi ito maaksyunan ng mga barangay captain sa mga nasabing mga lugar dahil sa takot na mawalan ng boto sa eleksyon.

Hiniling niya ang tulong ng mga kasamahang board members sa usaping ito na nangangailangan umano ng agarang aksyon dahil matagal na rin itong suliranin ng Batangas City at mga karatig bayan. Kailangan din umanong magkaroon ng pagpupulong kasama ang Philippine National Police, Department of Environment and Natural Resources, CENRO at Tanggol Kalikasan upang matuldukan ang naturang problema.

Sa mungkahi na rin ni BM Blanco, ang usapin sa Calumpang River ay napapunta sa Committee on Enviromental Protection na hinahawakan ni 2nd District Board Member Wilson Rivera. – Jhun Magnaye – Batangas Capitol PIO

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry

Comments are closed.