Batangueño Summa Cum Laude graduates sa UP Diliman, binigyang pagkilala ng Pamahalaang Panlalawigan

Unang regular session ng 10th Sangguniang Panlalawigan ng Batangas, idinaos
July 10, 2019
Child Development Workers Day, ipinagdiwang
July 15, 2019

July 15, 2019

Angat ang galing at talino ng Batangueño. Muling namayagpag ang husay at kahanga-hangang talino ng Batangueño sa katauhan nina Jamie Christine Berberabe Lim at John Anthony Camacho Kho, kapwa tubong Batangas City, matapos gawaran ng pinakamataas na titulong pang-akademiko bilang Summa Cum Laude sa ginanap na Ika-108 Pangkalahatang Pagtatapos ng Unibersidad ng Pilipinas Diliman noong ika-30 ng Hunyo 2019. Kasama sa larawan sina Gov. Dodo Mandanas, Vice Governor Mark Leviste, at mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan. ✐Mark Jonathan M. Macaraig/Photo by Junjun de Chavez – Batangas Capitol PIO

Bilang pagbibigay-pugay sa karangalang hatid sa Lalawigan ng Batangas, ginawaran ng Certificates of Recognition sina Jamie Christine Berberabe Lim at John Anthony Camacho Kho, na napabilang sa record-breaking na limampu’t limang estudyante na ginawaran ng pinakamataas na titulong pang-akademiko na Summa Cum Laude, sa ginanap na ika-108 Pangkalahatang Pagtatapos ng Unibersidad ng Pilipinas Diliman noong ika-30 ng Hunyo 2019.

Sa isinagawang lingguhang pagpupugay sa bandila ng Pilipinas noong ika-15 ng Hulyo 2019, personal na iginawad ni Gov. DoDo Mandanas, kasama sina Vice Governor Mark Leviste, at mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan, ang parangal sa dalawang summa cum laude graduates na mula sa Lungsod ng Batangas para sa kanilang ipinamalas na natatanging galing at talino.

Si Jamie Berberabe Lim, dalawampu’t-dalawang taong gulang, anak nina Philippine Basketball Legend Avelino “Samboy” Lim at dating Pag-Ibig Fund President and Chief Executive Officer Atty. Darlene Berberabe, ay nagtapos ng kursong Bachelor of Science in Mathematics na may General Weighted Average (GWA) na 1.073.

Dahil sa nakuhang GWA, si Lim ang tinanghal na Valedictorian ng UP College of Science. Lubos naman ang naging paghanga ng mga kawani ng Kapitolyo at mga bisita, matapos malaman na ang ina ni Lim, na si Atty. Darlene, ay nagtapos din bilang Summa Cum Laude sa kursong Pilosopiya at siya ring naging Valedictorian ng UP College of Social Sciences and Philosophy noong taong 1989.

“Kapag isinapuso natin ang utang na loob sa magulang at sa bayan hindi tayo maliligaw ng landas,” ito ang mga katagang binitawan ni Jamie Berberabe Lim sa kaniyang valedictory speech, kung saan binigyang importansya nito ang pagmamahal sa magulang at sa bansa. Bukod sa angking talino, isa ring student-athlete si Lim, na Karate Black-belter at miyembro ng national team.

Samantala, binigyang pagkilala rin si John Anthony Camacho Kho, na Summa Cum Laude sa kursong Bachelor of Science in Chemical Engineering na nagkamit ng GWA na 1.196.

Ang dalawampu’t isang taong gulang ay anak nina Joan Kho, Reliability and Rotating Equipment Manager ng Pilipinas Shell Petroleum Corporation sa Tabangao, Batangas City, at Dr. Emmalyn Grace Camacho-Kho na isang Obstetrician-Gynecologist.

Para kay Kho, hindi naging madali para sa kaniya ang buhay sa isa sa pinakapipitagang unibersidad sa bansa. Mula sa pagiging isang mahiyain at tahimik na bata kung saan kinakitaan na ng angking galing sa matematika, hanggang sa makatungtong sa kolehiyo, nagkaroon si Kho ng isang normal na buhay-estudyante kung saan nakaranas din ito na mag cutting class para lamang makatapos ng mga requirements para sa susunod na klase; bumagsak sa exam; at, ma-stressed at makaramdam ng pressure habang humahawak ng isang organization event kasabay ng kaniyang pag-aaral.

Pagkakaroon ng ‘deeper goal’ o matayog na pangarap sa buhay, disiplina, pagpapahalaga sa mga prayoridad, at pag-aaral ng mabuti, ang binigyang diin ni Kho bilang payo niya sa lahat ng mga mag-aaral. Ayon kay Kho, para sa kaniyang plano sa hinaharap, narito sa Pilipinas ang puso niya at pipiliin munang magsilbi para sa sariling bansa.

Bukod sa dalawang Summa Cum Laude, nagtapos naman ang tubong Nasugbu, Batangas na si Lorraine Gria S. Avena bilang Cum Laude ng kursong Bachelor of Science in Chemistry sa parehong unibersidad.

Binigyang pagkilala rin ng Pamahalaang Panlalawigan ang 2 Magna Cum Laude at 25 na Cum Laude mula sa Batangas State University – Main Campus.

Ang mga binigyang-pagkilala ay nakatanggap ng certificates of recognition, medalya at cash incentive. – Mark Jonathan M. Macaraig, Batangas Capitol PIO

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry

Comments are closed.