Batangas Provincial Veterinary Office, Patuloy ang Pagsulong ng Info Campaign Laban sa Banta ng African Swine Fever

5th National Catholic Media Convention, idinaos sa Batangas
August 13, 2019
3rd Quarter Culture and Arts Council Meeting, Idinaos
August 14, 2019

August 13, 2019

Nasa may mahigit dalawampung aktibidad na simula Enero hanggang Agosto 2019 ang naisagawa ng Batangas Provincial Veterinary Office bilang bahagi sa patuloy na pag-arangkada ng mas pinaigting na Information Education Campaign (IEC) at pagbabantay laban sa banta ng African Swine Fever (ASF) sa lalawigan.

Sa pangangasiwa ni Dr. Romelito Marasigan, hangarin ng tanggapan na maipabatid sa bawat Batangueño ang maaaring kaharapin ng industriya ng pagbababuyan kung sakaling maapektuhan ng naturang sakit.

Batay sa datos, nagsimula noong ika-30 ng Enero ang IEC ng tanggapan kung saan kinatampukan ito ng mga local hog raisers ng iba’t-ibang bayan at lungsod sa probinsya. Sinundan ito ng ilang serye ng pagpupulong na binigyang pansin din ang usapin sa Food Safety.

Nitong nakaraang martes, ika-6 ng Agosto, matagumpay na naidaos ng Batangas ProVet ang kanilang ASF Preparedness Workshop na ginanap sa PG-ENRO Conference Room, Capitol Compound, Batangas City.

Ito ay dinaluhan ng mahigit kumulang 80 partisipante na kinabibilangan ng mga Local Government Units Veterinarian, Municipal Agriculturists at Livestock Inspectors.

Matapos ang isinagawang workshop, sinundan ito ng ASF Awareness Seminar noong ika-8 ng Agosto sa San Jose Municipal Gymnasium, Bayan ng San Jose, kung saan naging pangunahing kalahok ang mga local hog raisers at Barangay Agricultural Health Extension Workers ng lalawigan.

Nagkaroon din ng pagkakataon si Dr. Marasigan na mas mapalawak pa ang maabot ng kanilang IEC sa pamamagitan ng pagpapaunlak sa radio guesting sa B’yaheng Kapitolyo, ang official Radio Program ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas.

Dito ay muling ipinagbigay-alam ni Dr. Marasigan na ang ASF ay isang virus na walang gamot o bakuna, at madaling makahawa sa mga baboy.

Dagdag pa nito na maaring may ASF ang isang baboy kung nakakaranas ito ng mga sintomas o palantandaan, gaya ng lagnat, pulang pantal sa katawan, at pagdurugo ng internal organs na ikamamatay nito sa loob ng dalawa hanggang sampung araw.

Ibinahagi rin ng provincial veterinarian ang kanilang pagtutok sa mas pinalawak na 17 animal inspection and transport carrier checkpoints sa lalawigan, ang pagpapatupad ng panuntunan ng Buraeu of Animal Industry, at ang pagkakaroon ng strict biosecurity na pinakamabisang depensa laban sa African Swine Fever.

Samantala, bukod sa natitirang Information and Education Campaign activities para sa buwan ng agosto, mayroon na agad na nakalatag ang Batangas Provincial Veterinary Office na mga programang mas magbibigay ng kaukulang pagsubaybay at pagsusulong sa nasabing pagkilos.

Nakapaloob dito ang ASF Forum with Local Farmers, Basic Incident Command Training katuwang ang Batangas Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office, Sample Collection Training, Creation and Orientation para sa City and Municipal Response Teams, at ang paghahanda at identification ng mga operation centers, facilities, equipments, at supplies kung sakaling magkaroon ng outbreak.

Mark Jonathan M. Macaraig – Batangas Capitol PIO

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry

Comments are closed.