Batangas Provincial Highway Patrol Team, Pinakamagaling sa Bansa

SP End of Term Session, Idinaos; Vice Gov. Nas Ona at Outgoing Board Members, nagpaalam sa SP
June 25, 2019
Republic Act 10821 and Child Protection Seminar, isinagawa
June 30, 2019

June 26, 2019

BEST PROVINCIAL HIGHWAY PATROL TEAM. Bilang pagbibigay-pugay sa karangalang inihatid sa Lalawigan ng Batangas, ginawaran ng Certificate of Recognition ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas ang Batangas Provincial Highway Patrol Team matapos mahirang bilang pinakamahusay sa pagtiyak ng kaligtasan at kaayusan sa kalsada sa National Level sa nakaraang 64th Anniversary ng PNP-Highway Patrol Group, na idinaos sa Camp Crame, Quezon City noong ika-22 ng Mayo 2019. Sa larawan, tinanggap ni Police Captain Jet Sayno ang sertipiko mula kay Governor DoDo Mandanas, kasama sina (mula kaliwa) Provincial Administrator Levi Dimaunahan, Police Master Sergeant Hilda Marticio, Police Staff Sergeant Harold Polero, at ilang mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan. ✐Mark Jonathan M. Macaraig / Photo by: Karl Ambida – Batangas Capitol PIO

Isang natatanging karangalan ang nakamit ng Batangas Provincial Highway Patrol Team (BP-HPT), na pinamumunuan ni Captain Jet Sayno, matapos itong kilalanin sa National Level bilang pinakamahusay sa pagpapatupad ng batas, at pagtiyak ng kaligtasan at disiplina sa kalsada noong ika-22 ng Mayo 2019 sa Camp Crame, Quezon City.

Ang nasabing parangal ay personal na iginawad nina Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo M. Año; Philippine National Police (PNP) Chief, Director General Oscar D. Albayalde; at, Police Brigadier General Director Roberto B. Fajardo, kaalinsabay ng pagdiriwang ng ika-64 na anibersaryo ng PNP – Highway Patrol Group.

Sa panayam sa B’yaheng Kapitolyo, ang official Radio Program ng Pamahalaang Panlalawigan ng Batangas, binigyang-pansin ni Captain Sayno ang mga kaso ng carnapping at motornapping incidents sa lalawigan.

Ayon kay Sayno, 3 sa loob ng isang buwan ang naiitalang kaso ng nasabing krimen sa buong probinsya, dahilan upang sang-ayunan niya ang pagkakaroon ng mas maraming CCTV cameras sa mga pampublikong lugar para makatulong sa monitoring.
Dagdag pa niya, ang maraming mga irregularities o paglabag ay may kinalaman sa paggamit ng motorsiklo. Nangungunang violations ang hindi pagsusuot ng helmet, pagkakaroon ng tatlong sakay, at hindi paglalagay ng plaka.

Sa pagsisiskap ng Batangas Provincial Highway Patrol Team at ilang mga katuwang na ahensya, sinisiguro nila ang wastong implementasyon ng mga traffic rules at regulations, ang pagkakaroon ng agarang aksyon sa bawat insidente, at ang pag-ronda ng mga motorcycle at bicycle teams upang matiyak ang kaligtasan ng mga biyahero sa probinsya.

Sa huling bahagi ng panayam, nagbigay si Captain Sayno ng ilang mga paalala at tips para sa mga Batangueño, tulad ng ugaliin na magsumbong agad kung sakaling magkaroon ng insidente ng carnapping at motornapping upang ito ay kanilang mabilis na maaksyunan at magkaroon ng wastong pagtatala.

Binanggit din nito ang pag-iwas na mapagsamantalahan sa pamamagitan ng hindi paglalagay ng mga nakatakdang biyahe sa social media sites, pagpasok ng mga sasakayan at motorsiklo kung may nakalaan namang paradahan sa loob ng bakuran, pagsiguro na nakakandado ang pintuan at sarado ang mga bintana ng mga behikulo habang nakahimpil o naglalakbay, at ang pagtiyak na walang maiiwang mahahalagang bagay o gamit sa loob ng saasakyan. ✐ Mark Jonathan M. Macaraig – Batangas Capitol PIO

Like
Like Love Haha Wow Sad Angry

Comments are closed.